Presyo ng seafood, gulay umakyat sa Lunes Santo

ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2019 05:46 PM | Updated as of Apr 15 2019 10:12 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tumaas ngayong Lunes Santo ang presyo ng seafood at gulay sa ilang pamilihan sa Metro Manila. 

Inaasahang tataas pa ang presyo ng mga nasabing bilihin habang papalapit ang Huwebes Santo.

Sa Sampaloc Market sa Maynila, umakyat sa P170 ang presyo ng kada kilo ng bangus mula P150 habang nasa P180 na ang presyo ng galunggong mula P160.

Tumaas din ang presyo ng hipon sa P550 kada kilo mula P480 at pusit na P300 kada kilo mula P270.

Wala namang paggalaw sa presyo ng tilapia na P100 at tahong na P90.

Aabot sa P30 ang iminahal ng presyo ng luya sa Sampaloc Market o P120 mula P90.

Nagmahal din ang presyo ng cauliflower sa P120 mula P100, kalamansi sa P90 mula P70, pechay Tagalog sa P60 mula P45, kalabasa sa P45 mula P30, at broccoli sa P160 mula P150.

Sa Mega Q Mart sa Quezon City, nasa P40 ang iminahal ng kada kilo ng carrots o P100 mula P60.

Tumaas naman ng P20 ang kada kilo ng broccoli at patatas.

Nasa P200 na ang presyo ng broccoli mula P180, habang P80 ang patatas mula P60.

Sa Kamuning Market sa Quezon City, P50 ang presyo ng 6 piraso ng daing na galunggong at 10 piraso ng tinapa, at P350 naman ang presyo ng kada kilo ng tuyo. 

--Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.