Dagdag-singil sa kuryente nagbabadya dahil sa power alerts

ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2019 07:48 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Posibleng tumaas ang singil sa kuryente sa susunod na buwan dahil sa sunod-sunod na pagsasailalim sa power alerts ng Luzon grid, ayon sa isang opisyal ng Manila Electric Company (Meralco).

Ayon kay Larry Fernandez, head ng utility economics sa Meralco, apektado ng power alerts ang presyo ng kuryente sa spot market.

"For April, we have 6 days affected by yellow alerts and then 4 days affected by red alerts," ani Fernandez.

"It will have a corresponding impact on the spot market prices," dagdag niya.

Muling numipis nitong Lunes ang reserbang kuryente sa Luzon kaya isinailalim na naman ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang Luzon grid sa red alert, ang pinakamataas na alert status, simula alas-3 ng hapon.

Ibinaba ito sa yellow alert status na epektibo hanggang alas-8 ng gabi ng Lunes.

Pero inaasahan naman ng Meralco at ng Department of Energy na magiging sapat ang reserbang kuryente sa mga susunod na araw lalo at bababa ang demand o pangangailangan dahil holiday sa Huwebes at Biyernes Santo.

Dahil hindi pa rin matatag ang suplay ng kuryente sa Luzon grid, patuloy ang paghikayat ng gobyerno at power companies sa publiko na ugaliing magtipid sa paggamit ng kuryente.

--Ulat ni Bruce Rodriguez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.