(UPDATE) Nadagdagan ang mga agricultural product na pinatawan ng suggested retail price (SRP), sabi ngayong Lunes ng Department of Agricutlure (DA).
Ito ay matapos umanong tumaas ang presyo ng mga produkto sa mga pamilihan mula nang magpatupad ng enhanced community quarantine
Kabilang sa mga nadagdag sa listahan ng mga produktong may SRP ang bigas, cooking oil, at chicken egg.
Narito ang updated SRP sa mga produkto:
- Milkfish (caged cultured) - P162 kada kilo
- Tilapia (pond-cultured fresh-chilled) - P120 kada kilo
- Round scad (imported) - P130
- Pork (pigue/kasim) - P190 kada kilo
- Chicken (whole) - P130 kada kilo
- Sugar (refined) - P50
- Sugar (brown) - P45
- Red onion (fresh) - P95 kada kilo
- Garlic (fresh) - P70 kada kilo kapag imported; P120 kapag lokal
- Bigas (Imported)
- Special - P51 kada kilo
- Premium rice - P42 kada kilo
- Well-milled rice - P40 kada kilo
- Regular-milled rice - P39 kada kilo
- Bigas (Lokal)
- Special - P53 kada kilo
- Premium - P45 kada kilo
- Well-milled rice - P40 kada kilo
- Regular - P33 kada kilo
- NFA rice - P27 kada kilo
- Round Scad (local) - P130 kada kilo
- Pork liempo - P225 kada kilo
- Chicken egg (medium) - P6.5 kada piraso
- Cooking oil (30ml) - P24
- Cooking oil (1 liter) - P50
Nauna nang magpatupad ang DA ng SRP sa agricultural at fishery products noong Pebrero.
Muling iginiit ni Agriculture Secretary William Dar na tungkulin ng mga price coordinating council sa bawat lungsod o bayan na bantayan ang mga presyo sa kanilang lugar.
Ayon naman kay Agriculture Assistant Secretary Kristine Evangelista, sakop din ng SRP ang mga online palengke.
Nakikipagtulungan na ang DA sa Department of Trade and Industry para mabantayan ang presyuhan online, ayon kay Evangelista.
Samantala, tiniyak din ni Dar na walang dapat ipag-alala ang mga Pilipino sa supply na bigas.
May imbentaryo na pang-70 araw o higit 3 buwan, ayon kay Dar.
Dumating na sa bansa ang higit 600,000 metriko tonelada ng imported na bigas at may paparating pang 1.3 milyon metriko tonelada. Karamihan sa inangkat na bigas ay galing Vietnam.
Aprubado na rin ang hinihinging P8.5 bilyon para sa rice resiliency program ng DA ngayong may COVID-19 pandemic.
Mamimigay rin ng mga binhi ng gulay ang DA sa Metro Manila at iba pang lungsod sa bansa para sa urban agriculture o barangay farming.
Isinailalim sa enhanced community quarantine ang buong Luzon hanggang katapusan ng Abril para mapabagal ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).
-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, Department of Agriculture, #PricePatrol, konsumer, suggested retail price, bigas, isda, manok, cooking oil, itlog, NFA rice, Willaim Dar, enhanced community quarantine