BPI tiniyak na bubuti ang serbisyo kasunod ng aberya

ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2019 07:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pumalya ang ilang serbisyo ng Bank of the Philippine Islands (BPI) ilang araw matapos ang kanilang systems upgrade. Pero ayon sa BPI, ipagpapatuloy nila ang paglilipat ng serbisyo sa kanilang digital platform sa kabila ng aberya. 

Importanteng gawing digital ang mga serbisyo ng bangko para mas bumuti ang kanilang serbisyo, ayon sa presidente ng BPI na si Cezar Consing. 

"The digital journey is challenging, as the last few days have demonstrated. But we are convinced that the efforts will pay off and will stay the course," aniya sa isang pahayag. 

Matatandaang nagkaroon ng systems upgrade mula Abril 5 hanggang 7 kaya hindi makapag-withdraw o makagamit ng debit card at mobile account ang mga user ng BPI sa panahong iyon. 

Matapos nito ay nag-anunsiyo ang bangko na nagbukas ang lahat ng online at mobile channels nila; at kalauna'y sinabing magagamit na ng kanilang mga kostumer ang lahat ng serbisyo katulad ng online banking at bills payment. 

Pero may mga nagreklamo na hindi sila makagawa ng transaksiyon sa BPI. May kulang din umanong pera sa kanilang mga account at hindi makapag-withdraw. 

Maraming branch din ang nag-offline. 

Kabilang sa nakaranas ng problema sa bangko ang Bayan Patroller na si Fadz Parnada na nahirapang mag-withdraw ng pera. 

Nakapag-withdraw man noong Huwebes ay hindi maka-access online ang Bayan Patroller na si Olivia De Guzman. 

May na-delay din umano ang suweldo, kabilang si Bayan Patroller Jeffrey Calisin, na di nakapasok ang pera sa kaniyang payroll account bunsod ng aberya. 

Ayon naman sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), nakikipag-ugnayan sila sa BPI para siguraduhing maaayos agad ang serbisyo sa mga kliyente ng bangko. 

"The BSP team has been closely coordinating with BPI to ensure that their remediation efforts are on track to restore service levels to their clients," anila sa hiwalay na pahayag. -- Ulat ni Bruce Rodriguez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.