Wala pa ring ipinagbaba ang presyo ng baboy sa mga pamilihan sa Metro Manila simula noong mapaso ang price cap noong Abril 8.
Pero ang bulung-bulungan sa mga palengke ay may napipintong pagtaas sa presyo ng baboy sa mga susunod na linggo, na maaari anilang umabot sa P500 kada kilo.
"May nagsabi sa amin na supplier, kasi 'yong baboy namin nangaggaling Visayas, tawid-dagat siya. Mayroon daw possibility na umabot ng P500 'yong price ng per kilo," sabi ng tinderong si Mike Orozco.
Pero ayon sa Pork Producers Federation of the Philippines (ProPork), hanggang P450 lang ang itataas ng presyo.
"By June, babaha ng imported na karne ng baboy at 'yan na ang umpisa ng aming pagbagsak o pagkalugi," sabi ni ProPork Vice President Nicanor Briones.
Kahit tumaas ang presyo ng sariwang karne, nagdadalawang-isip ang mga tindero kung lilipat sila sa pagbenta ng imported, na may suggested retail price (SRP) na P270 kada kilo para sa kasim at P350 kada kilo para sa liempo.
"Mahirap din magbenta ngayon kung wala ka masyadong customer," sabi ng tinderang si Elizabeth Espino.
"Ayaw naman din ng mga customer ng imported gusto talaga nila sariwa," dagdag niya.
Pero hindi lang ang mga magbababoy ang apektado dahil sinasabi ng Philippine Maize Federation (PhilMaize) na malaki rin ang mawawala sa kanila kapag umatras na ang mga magbababoy.
Pinakamalaki kasing pinupuntahan ng produksiyon ng mais ay feeds para sa mga hayop kagaya ng baboy.
"More or less 500,000 farmers na dependent on corn talagang matatamaan," sabi ni PhilMaize President Roger Navarro.
"Ang ibang farmer, sabi nila, magshi-shift muna sila parang temporarily to other crops. Siyempre 'yong mga other crops na 'yon, hindi naman ganoon ang volume," ani Navarro.
Kaya nanawagan ang ProPork, PhilMaize at iba pang agricultural group na bawiin ni Duterte ang executive order na nagbababa sa taripa ng imported na karneng baboy.
Sinubukan ng ABS-CBN News na kuhanin ang pahayag ng Department of Agriculture pero wala pang sagot ang ahensiya.
-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, bilihin, #PricePatrol, karneng baboy, baboy, agrikultura, Pork Producers Federation of the Philippines, imported pork, Philippine Maize Federation, TV Patrol, April Rafales, TV Patrol Top