Gasolinahan sa Mandaluyong City noong Marso 2022. George Calvelo, ABS-CBN News/File
(UPDATE) Kasado na ang big-time oil price hike sa Martes, Abril 11.
Base sa abiso ng mga kompanya ng langis, narito ang halaga ng ipatutupad nilang taas-presyo sa petrolyo:
Caltex (Alas-12:01 ng hatinggabi)
GASOLINA +P2.60/L
DIESEL +P1.70/L
KEROSENE +P1.90/L
Shell, Seaoil, Petron, Flying V (Alas-6 ng umaga)
GASOLINA +P2.60/L
DIESEL +P1.70/L
KEROSENE +P1.90/L
Jetti Petroleum, Petro Gazz, Unioil (Alas-6 ng umaga)
GASOLINA +P2.60/L
DIESEL +P1.70/L
Cleanfuel (Alas-4:01 ng hapon)
GASOLINA +P2.60/L
DIESEL +P1.70/L
Ayon sa Department of Energy, ang taas-presyo ay bunsod ng anunsiyo ng Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC Plus) na magbabawas sila ng produksiyon ng langis, na aabot sa 1.66 million barrels kada araw.
Ang OPEC Plus ang samahan ng higit 20 bansa sa buong mundo na pangunahing pinagmumulan ng langis, nag-e-export at nagdidikta ng presyo sa world market.
Ayon sa ekonomistang si Michael Ricafort, ang pagbabawas ng produksiyon ng langis ay paraan para maibalik sa dati ang presyo matapos bumagsak ang halaga nito dahil sa recession sa Amerika.
"Ayaw nilang bumagsak 'yong presyo ng krudo. 'Yon ang pinaka-motibasyon nila," ani Ricafort.
Magsisimula na sa susunod na buwan ang bawas-produksiyon sa langis ng mga bansang kasapi ng OPEC Plus kaya inaasahang tataas ang pandaigdigang presyo ng petrolyo, na tiyak na madadama umano ng Pilipinas.
Salik din umano sa galaw ng presyo ng langis ang pagbubukas ng ekonomiya ng Tsina at pagbaba ng demand ngayong nasa tagsibol ang maraming bansa.
LPG
Samantala, nag-abiso naman ang Regasco na babawasan din nito ng P2.50 ang kada litro ng kanilang liquefied petroleum gas (LPG) simula Martes.
Bumaba rin kasi umano ang world contract price ng LPG dahil sa mababang consumption o demand ngayong panahon ng tag-init o summer sa Asya.
— Ulat nina Alvin Elchico at Jervis Manahan, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.