MAYNILA - Mamimigay ng mga libreng chest freezer ang Department of Agriculture (DA) sa mga tindero ng baboy para makapagbenta na rin sila ng frozen na imported na karne.
Ayon sa DA, maglalabas sila ng P45 milyon para mamigay ng mga freezer at chiller sa mga tinderang gusto magbenta ng frozen pork.
“Meron kaming listahan ng mga wet markets at we will work with the LGU’s concerned,” ani DA chief William Dar.
Pero sabi ng mga local hog raiser, sana ay ginamit na lang ang malaking pondo para makatulong sa kapakanan ng local hog industry.
“Pondo ng gobyerno, pondo natin, yan ang ibinibigay niya para paboran ang importers,” ani Nicanor Briones, bise presidente ng Pork Producers Federation of the Philippines.
Sagot naman ng DA, binabalanse nila ang interes ng konsumer at mga nagbebenta.
“Ang ginawa ng pangulo ay para mabigyan ng relief ang ating consumers,” ani Reyes.
Ayon naman sa mga trader, depende pa rin sa presyong ibibigay ng mga magbababoy kung lilipat sila sa pagbenta ng imported na karne.
“Kami pag mataas ang presyo nila at pinapayagan nang [magbenta] ng frozen meat sa palengke, mag-shishift na kami lahat sa frozen meat. Wala nang bibili ng local hog products sa amin,” ani Metro Manila Traders Association President Ricardo Chan.
May agam-agam ang ilang tindero ng baboy, gaya ni Jose Balayan.
“Mahirap magtinda ng frozen meat. Eh alam mo naman yung mga tao ngayon ayaw nila yung mga imported na ganyan, gusto talaga nila yung mga sariwa,” ani Balayan.
Sinabi na ng grupong Samahang Industriya ng Agrikultura
na dahil sa matinding kompetisyon ng imported na baboy at ng local na baboy, sa loob ng 2 hanggang 3 buwan mararamdaman ang mas bawas nang supply at mataas na presyo ng sariwang karneng baboy.
Nanawagan naman si Sen. Kiko Pangilinan na magdeklara ng state of calamity para maibigay na ang indemnification fund sa mga magbababoy na apektado ng ASF.
Ayon sa DA, P600 milyon ang ilalaan nila para sa repopulation ng mga baboy sa mga lugar na wala nang ASF.
— Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, TV Patrol, Department of Agriculture, DA, chest freezer, frozen meat, karne, karneng baboy