Rotating brownouts tuloy sa mga susunod na araw: Meralco

ABS-CBN News

Posted at Apr 10 2019 09:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Asahang magpapatuloy ang rotating brownouts sa mga susunod na araw sa Luzon dahil sa patuloy pagkukumpuni sa mga planta, ayon sa Manila Electric Company (Meralco).

Ayon sa Meralco, Abril 13 pa matatapos ang pagkukumpuni sa Sual at SLTEC Unit 1, Abril 16 naman matatapos ang sa Pagbilao Unit 3, at Abril 21 naman magbabalik-operasyon ang SLPGC Unit 2.

Kasama ang mga ito sa 6 plantang bumigay o bumaba ang kapasidad nitong Miyerkoles, na naging dahilan para numipis ang suplay ng reserbang kuryente at isailalim ang Luzon grid sa red alert, ang pinakamataas na alert. 

Itinaas ng National Grid Corporation of the Philippines ang red alert sa Luzon grid sa pagitan ng alas-10 ng umaga at alas-11 ng umaga, at sa pagitan ng ala-1 ng hapon hanggang alas-4 ng hapon.

Epektibo naman ang yellow alert, ang ikalawang pinakamataas na warning, mula alas-11 ng umaga hanggang ala-1 ng hapon, alas-4 ng hapon hanggang alas-5 ng hapon, at alas-6 ng gabi hanggang alas-9 ng gabi.

Nasa 1,452 megawatts umano ang nawala dahil bumigay ang Unit 1 ng Sual Power Plant na nagbibigay ng 647 megawatt maximum supply.

Bumigay din ang SLPGC Unit, Pagbilao Unit 3, at SLTEC Unit 1 habang bumaba naman ang kapasidad ng Malaya Unit 1 at Calaca Unit 1.

"Total na mga planta na on forced outage o biglang tumirik or biglang hindi na umandar ay 1,352 megawatts," ani Energy Undersecretary Wimpy Fuentebella.

"'Pagdating ng red alert na 1 o'clock to 4 p.m., mayroon na tayong deficit na pinapahabol sana natin through energy efficiency and conservation na 130.4 megawatts," ani Fuentebella.

Bunsod nito, nagpatupad ang Meralco ng rotating brownout sa Quezon City, Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela, Batangas, Bulacan, Cavite at Laguna.

"Hindi na kayang punuan ng supply so wala tayong magagawa kundi i-shave 'yong demand," ani Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga.

--Ulat ni Ina Reformina, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.