MAYNILA (UPDATE) - Bahagyang tataas ang singil sa kuryente ng Meralco sa billing ngayong Abril.
Ayon sa power distributor, tataas nang P0.087 kada kilowatt hour ang kanilang singil ngayong Abril dahil nagmahal din ang generation charge.
Katumbas ito ng P17 na dagdag sa mga residential customers na may 200 kWh na konsumo kada buwan, P26 sa mga kumokonsumo ng 300 kWh, P35 sa mga kumokonsumo ng 400 kWh, at P44 sa mga kumokonsumo ng 500 kWh.
Paliwanag ng Meralco, ito ay dahil sa pagtaas ng presyo ng kuryente sa spot market.
Ayon pa sa Meralco, mas malaki pa dapat ang pagtaas kung hindi bumaba ang presyo ng kuryente galing sa ibang supplier.
Samantala, muling umapela sa Kamara ang grupong Bayan Muna na bumuo ng pagdinig sa dagdag-singil habang nasa enhanced community quarantine ang National Capital Region Plus Bubble.
Para sa kinatawan ng grupo na si Carlos Zarate, baka magkaroon na naman ng bill shock ang mga konsumer.
Pero tiniyak ng Meralco na walang mangyayaring bill shock.
"'Yung bill shock na nangyari, naipon 'yun 3-4 months na di nagbasa, hindi na mangyayari 'yun kasi may meter reading naman," ani Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga.
Hindi rin daw uubrang pigilan ang ilang factors gaya ng presyuhan ng kuryente galing sa supplier at spot market dahil lang may ECQ.
Tumaas umano kasi ang presyo ng kuryente sa spot market dahil sangkaterbang planta muli ang bumagsak noong Marso.
-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
KAUGNAY NA VIDEO:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, Meralco April bill, Meralco April bill increase, electricity Philippines, kuryente, presyo ng kuryente Meralco, Meralco bill 2021, Meralco bill April 2021, tv patrol, Alvin Elchico