PatrolPH

Online delivery ng mga gulay, inilunsad ng pamahalaan ng Quezon City

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Apr 07 2020 05:57 AM

Bukod pa sa pagpapakalat ng mga mobile palengke, nagbukas na rin ng online delivery ang lokal na pamahalaan ng Quezon City para sa mga barangay na nangangailangan ng mga gulay para sa kanilang mga residente.

Ayon sa Quezon City Small Business and Cooperatives Development Promotions Office, katuwang nila dito ang Department of Agriculture kung saang ang mga gulay na ibebenta ay direktang inaangkat mula sa mga magsasaka.

Dapat ipalista ng mga residente sa kanilang mga opisyal ng barangay o association ang mga i-oorder nilang gulay.

Ang barangay na mismo ang magkokolekta ng lahat ng mga ipapabiling gulay at kanila itong i-oorder via online sa page ng QC LGU o kaya’y sa viber (0931-011-6256).

Kailangan ay hindi bababa sa 500 kilo ang kabuuang bigat ng mga bibilhing gulay ng inyong association o kaya'y barangay officials. 

Sila rin ang magsasabi kung kailan darating ang inyong mga order. Cash on delivery ang bayad. 

Para sa listahan ng mga presyo at mga available na gulay at maging ang contact number ng inyong mga punong barangay, maaari ninyong silipin ang official Facebook page ng Quezon City. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.