Payment reference number, kailangan na ng SSS members na magbabayad-utang

ABS-CBN News

Posted at Apr 06 2021 04:16 PM | Updated as of Apr 06 2021 07:42 PM

Watch more in iWantTFC

Obligado nang kumuha ng payment reference number (PRN) ang mga miyembro ng Social Security System (SSS) na magbabayad ng utang simula Mayo 1, sabi ng isang opisyal.

Kung self-employed o voluntary member, ipapadala sa email o text ang PRN pero kung formally employed, sa employer ito ipapadala.

Maaaring mag-enroll ang members para sa PRN sa My.SSS, sabi ni Atty. Sau Mapalo, department manager sa SSS.

Pero tingin ng Defend Jobs Philippines, dagdag-pahirap lang ito para sa mga manggagawa.

Ayon kay Defend Jobs Spokesperson Christian Lloyd Magsoy, hindi gumagana nang maayos sa RPN system ng SSS, na nagreresulta sa pagkaantala ng bayad-utang at pagkakaroon ng penalty ng mga miyembro.

Wala munang walk-in

Samantala, wala munang ia-accommodate na walk-in sa mga tanggapan ng SSS sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.

Kung may aplikasyon, iiwan na lang sa mga drop boxes, na kukunin ng mga empleyado ng SSS sa loob para iproseso.

Kahit skeleton staffing na sila, dahil marami na rin ang nagkaka-COVID-19 sa SSS, isa-isa naman umanong pinoproseso ang mga nasa drop box, sabi ni Mapalo.

Umapela rin si Mapalo sa SSS members na mag-enroll sa My.SSS at mag-online application na lang.

Aminado ang SSS na paminsan-minsan ay bumabagsak ang kanilang website dahil sa dagsa ng nage-enroll pero agad naman daw itong naaayos.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

RELATED VIDEO:

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.