Ilang negosyo di maibaba ang presyo ng manok kahit farmgate price bumagsak

ABS-CBN News

Posted at Apr 06 2021 08:33 PM

MAYNILA - Napilitan ang ilang tindero na panatilihing mataas ang presyo ng manok kahit na mas mababa na ngayon ang farmgate price nito. 

Paliwanag ng ilang nagtitinda, malaki raw kasi ang ibinagsak ng negosyo matapos ibalik ang enhanced community quarantine sa "National Capital Region (NCR) Plus" bubble. 

Dahilan anila ito para humugot sila ng kikitain sa online deliveries. 

"Dati 25 to 30 bags, ngayon nasa 15 na lang, kalahati na lang nawala. Kahit papaano sila ang nagpapalakas din, kasi madaming umoorder, kinukuha namin. Kaya malaking bagay yung nag-o-online," ani Carlos Gonzaga Jr, isang negosyante. 

Aabot sa P10 naman ang itinaas ng presyo ng chicken inasal sa isang kainan. Paliwanag nila, hindi pa masabi kung magbababa sila ng presyo dahil lugi umano sila sa mga lockdown restriction. 

"Malaking epekto talaga 'yung itong sa lockdown lalo na walang dine-in, malaking bagay kasi talaga 'yung sa dine-in, compare mo sa take-out. Bumebenta kami ng medyo lumalagpas kami sa quota, ngayon ang laking baba, du'n na lang napunta sa pasahod or sa expenses ng store," ani Grace Gomez, supervisor ng JT’s Manukan. 

Pero ilang nagtitinda sa Farmer's Market sa Cubao, Quezon City, nakakasunod na umano sa farmgate price. 

Batay sa monitoring ng Department of Agriculture, nasa P130 hanggang P180 pa rin ang kada kilo ng manok sa ilang palengke. 

Ayon sa United Broiler Raisers Association (UBRA), nasa P76.71 ang farmgate price ngayon ng prime size chicken - P45 kada kilong pagbaba mula sa P121.81 farmgate price noong Marso 12. 

Paliwanag ng UBRA, bumabagsak pa rin ang farmgate price dahil sa pandemya, lockdown, at mahinang buying powers ng mga konsumer. 

Sa Abril 8 pa matatapos ang price cap sa manok at baboy, ayon sa DA. 

Damay ang manok sa problema sa presyo ng baboy kaya pinag-aaralan kung lalagyan pa ito ng SRP o kaya price cap. 

— Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.