Paglilinis ng supermarkets puspusan

ABS-CBN News

Posted at Apr 06 2020 05:03 PM | Updated as of Apr 07 2020 12:27 AM

Tiniyak ng mga opisyal mula sa mga supermarket na puspusan ang paglilinis ng kanilang mga establisimyento para hindi makontamina ng virus ang lahat ng kanilang pasilidad, gamit at produkto.

Ito ay matapos pumutok sa social media kamakailan ang istoryang galing sa supermarket ang mga taong nahahawahan ng COVID-19, na pinabulaanan ng gobyerno.

Ipinakita ng SM Markets ang pag-disinfect ng kanilang mga pasilidad sa mga hypermarket at supermarket, maging ang paglilinis ng mga gamit gaya ng pushcart.

Sa Robinsons Supermarket, todo-linis din ang mga tauhan araw-araw sa kada sulok para matiyak na malinis bago pumasok ang customers.

Ayon kay Anna Francisco, store manager ng Robinsons Supermarket-Magnolia, prayoridad nila ang kalusugan at kaligtasan ng mga kostumer.

Iginiit naman ng Puregold na hindi dapat matakot ang publiko sa pagpunta sa supermarket dahil sinisigurado nila ang kalinisan ng tindahan.

Inihayag din ni Tonio de los Santos, vice president for operations ng Puregold, na prayoridad nila ang kaligtasan ng mga mamimili at mapigilan ang pagkalat ng sakit.

Kinumpirma naman ni Steven Cua, tagapamuno ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association, na dumami ang mga kostumer na nag-order online at ipinahahatid na lang sa bahay ang kanilang groceries.

Inaasahang dadagsa ang mga mamimili sa mga supermarket sa Miyerkoles dahil sarado ang mga establisimyento sa Huwebes at Biyernes Santo. -- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.