Mga pekeng e-mail, text: Mga bangko nagbabala vs scammers

ABS-CBN News

Posted at Apr 06 2020 04:17 PM | Updated as of Apr 07 2020 07:29 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagbabala ang mga bangko laban sa mga nananamantala ng lockdown sa Luzon para makapanloko sa kanilang mga kliyente.

Ayon sa Bankers Association of the Philippines, marami na silang nakikitang mga e-mail na nagsasabi sa mga kliyente na mag-click ng link para maiwasan ang pag-deactivate ng kanilang account dahil sa COVID-19.

Ipinayo ng grupo sa publiko na huwag i-click ang link dahil makokompromiso ang seguridad ng account ng isang indibiduwal.

Nagbabala rin ang Bank of the Philippine Islands (BPI) laban sa mga kaparehong scam.

Dagdag ng BPI, hinding-hindi sila hihingi ng mga confidential na impormasyon -- kasama ang mga one-time pin -- sa pamamagitan ng e-mail, text, o tawag.

Ginagamit na rin ng mga scammer ang utos ng gobyerno na magbigay ng 30-day grace period sa mga utang at payment due na babagsak sa Luzon lockdown, ayon sa Banco de Oro (BDO)

Nagpapanggap ang mga scammer na lehitimong empleyado ng mga bangko at nag-aalok ng loan payment extension sa pamamagitan ng e-mail at tawag, sabi ng BDO.

Nagpatupad ng lockdown sa buong Luzon hanggang Abril 12 para mapabagal ang pagkalat ng sakit na COVID-19. Hindi pa naga-anunsiyo ang gobyerno kung palalawigin pa ito. -- Ulat ni Bruce Rodriguez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.