Nanganganib na tumaas nang hanggang P5 kada kilo ang presyo ng bigas dahil sa mataas na presyo ng palay at mababang buffer stock, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Ayon sa DA, umaabot ngayon sa P23 kada kilo ang presyo ng palay, mas mataas sa P19 na procurement price ng National Food Authority.
Maliban dito, mababa rin anila ang government at commercial inventory ng buffer stock ng bigas.
Nasa 90 araw ang ideal na buffer stock, pero ayon sa DA, 51 araw lang ang buffer stock sa ngayon dahil kakaunti ang imported.
Puwede naman umanong mapigilan ang pagtaas ng presyo kung dadating ang imported na bigas bago ang panahon ng anihan.
"'Pag sinabi nating tumaas ang presyo sa ating sakahan, tataas ang presyo sa pamilihan," ani Agriculture Assistant Secretary Rex Estoperez.
Gumagawa naman umano ng mga hakbang ang DA upang hindi umabot sa ganoong kalaki ang taas-presyo.
Ayon kay Junrie Bernales, nagbebenta ng bigas sa Mega Q Mart sa Quezon City, nasa P80 hanggang P100 kada sako ang itinaas ng presyo ng bigas mula sa kaniyang supplier kaya wala siyang magawa kundi itaas din ang presyo kada kilo nito.
Ayon kay Bernales, 2 buwan nang sunod-sunod ang pagtaas ng presyo ng bigas.
Base sa bantay presyo ng DA hanggang Abril 5, narito ang presyo ng bigas:
Local
- Regular Milled: P34-40
- Well-Milled: P39-46
- Premium: P42-49
- Special: P48-60
Imported
- Regular Milled: P37-44
- Well-milled: P40-46
- Premium: P42-49
- Special: P50-58
Isda
Samantala, tiniyak naman ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na sapat ang supply ng isda at walang magiging pagtaas ng presyo nito ngayong Semana Santa, kung kailan marami ang hindi kumakain ng baboy at manok.
Ito'y sa kabila anila ng nangyaring oil spill sa Mindoro.
Ayon sa BFAR, noong 2022, nasa higit 3,000 metric tons ang fish production sa Oriental Mindoro o 0.07 porsiyento ng produksiyon ng isda sa buong bansa.
Kaya naman kumpiyansa ang ahensiya ng matutugunan ng ibang fishing grounds ang demand sa isda ngayong Mahal na Araw.
— Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.