Lockdown week 3: Mga maliliit na negosyante paano nakakaraos?

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at Apr 05 2020 04:53 PM | Updated as of Apr 05 2020 09:51 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Matapos isailalim sa enhanced community quarantine ang Luzon, maraming mga negosyo ang tumigil muna sa operasyon para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Isa sa mga umaaray sa lockdown si Artemio Sangrio, na umaasa sa araw-araw na kita ng kaniyang sari-sari store sa Tondo, Maynila para pantustos sa mga gastusin ng pamilya.

Nang isailalim sa quarantine ang Luzon ay malaki umano ang hinina ng kaniyang negosyo lalo’t hindi basta-bastang nakakalabas ng bahay ang mga tao.

"Anlaki ng hinina. Kalahati ang nawala sa benta. Ang tao kasi walang trabaho, ano ibibili nila? Umuupa ako, may kuryente at tubig, diyan ko lahat kinukuha. Papiso-piso lang naman ang patong," hinaing ni Sangri.

Ang mananahi namang si Anita Benavidez, wala nang natatanggap na trabaho kaya hindi na rin siya nakakapagpadala ng pera sa kaniyang pamilya sa probinsya.

Buti na lang, hindi raw siya pinababayaan ng kaniyang amo sa Maynila.

"Sa amo ko, siya nagsusuporta sa amin dito. Dalawang beses lang kami nakatanggap ng relief goods sa barangay," ani Benavidez.

Tigil operasyon din muna ang salon ni James Siazon.

Kung dati ay laging puno ang kaniyang salon, ngayon ay bihira na lang daw siya kung tumanggap ng kliyente.

Nasa P70,000 na ang nawawala sa kaniyang kita sa loob ng 3 linggong lockdown. Kaya para may panggastos, suma-sideline na lang siya muna.

"Umaasa kami sa ipon, buti nalang, meron pa ring mahuhugot. Pero mauubos din po yan. Like me, naghahanap ng ibang sideline. Nagde-deliver ako ng mga chicken at ibang goods," sabi ni Siazon.

Pero hati ang opinyon ng mga manggagawa sa posibilidad na palawigin pa ang lockdown, na nakatakdang matapos sa Abril 12.

"Pag nag-extend pa ang lockdown, mas mahirap... Pero sana naman huwag kasi mahirap eh kung hahaba pa," ani Sangrio.

"Kung itutuloy pa ang lockdown, saan kami kukuha ng panggastos at papadala namin sa probinsya?" hinaing ni Benavidez.

"Patong-patong na ang bayarin," giit naman ni Siazon.

Sinabi ng DTI noong Sabado na iaatras ang bayaran ng renta sa Abril ng mga maliliit na negosyo, at maaari itong utay-utayin nang 6 buwan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.