Pagdating ng huling batch ng bentang NFA rice nabalot ng emosyon, musika

ABS-CBN News

Posted at Apr 05 2019 09:12 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa pagpapatugtog ng violin at pag-awit idinaan ng ilang empleyado ng National Food Authority (NFA) ang kanilang emosyon kasabay ng pagkarating ng huling batch ng imported rice na ibebenta ng NFA.

Kasabay kasi ng pagdating nito ang huling araw sa trabaho ng ilan sa mga empleyado sapagkat nakatakdang alisin ang nasa 400 empleyado ng NFA dahil sa rice tariffication law.

Kaakibat ng rice tariffication ang pag-alis ng ilang pangunahing tungkulin ang NFA gaya ng pagbebenta ng P27 kada kilong bigas at pagbabantay sa mga rice retailer at importers.

Bukod dito ay may mga mawawalan pa ng trabaho kapag natuloy ang merging ng ilan pang mga tanggapan ng NFA, ayon kay Rex Estoperez, Assistant Administrator for Operations ng NFA.

"Mukhang babawas pa. We have to have a lean and mean organization... Considering the reforms based on the mandate, baka may merging of other areas or provinces," ani Estoperez.

Kabilang sa nangangambang mawalan ng trabaho si Fe Yap, na mahigit 10 taon nang nagtatrabaho sa NFA bilang Port Operations Officer at Provincial Operations Officer ng Zambales.

"Hindi lang ho kasi ako. Halimbawa, speaking na rin sa mga kasama ko. 'Di pa sila tapos magpaaral ng mga anak tapos mawawalan sila ng trabaho,” aniya.

Pinirmahan na ngayong Biyernes ni Agricultural Secretary Manny Piñol ang implementing rules and regulations ng rice tarrification law.

Sa ngayon ay may mahigit 515,000 metric tons ng imported na bigas na natira sa NFA warehouse na ibebenta sa merkado hanggang Agosto.

Pagkatapos ng Agosto, malilimitahan na ang trabaho ng NFA bilang tagakuha ng buffer stock ng bigas para sa mga kalamidad at hindi na rin sila magbebenta ng P27-kada-kilong bigas sa merkado.

Nakatuon na lang din ang mandato ng ahensiya sa pagbili ng palay sa mga lokal na magsasaka para sa nasabing suplay.

Nasa 1.26 milyong sako ng palay ang nabili ng NFA sa mga lokal na magsasaka sa unang quarter ng 2019. Anim na libong porsiyento raw ang itinaas ng kanilang procurement kumpara noong nakaraang taon.

-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.