MAYNILA — Matapos umiwas sa karne, bibili sana si Jingjing Dizon ng baboy nitong Easter Sunday para sa espesyal na ulam.
Pero napaatras si Dizon dahil hindi pasok sa P200 budget niya ang presyo ng baboy.
"'Pag bumaba na ulit ang presyo saka na lang magbababoy," ani Dizon.
Simula noong Sabado, umaabot na sa P350 kada kilo ang presyo ng kasim at pigue habang P380 kada kilo naman ang liempo sa Commonwealth Market sa Quezon City.
Nasa P20 hanggang P30 rin ang itinaas ng presyo ng baboy sa ibang pamilihan sa Metro Manila kagaya ng Murphy Market.
Ayon sa mga trader, nagmahal din kasi nang hindi bababa sa P10 ang sabit-ulo na binibili ng mga tindero para ibenta.
Nasa P310 hanggang P340 kada kilo na ito ngayon mula P295.
Inirekomenda kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na dagdagan ang minimum access volume ng imported na karneng baboy ng 350,000 metric tons ang kasalukuyang 54,000 metric tons.
Pig holiday
Kaya kung dati, nagsagawa ang mga tindero ng pork holiday, ngayon naman plano ng local hog raisers na magkasa ng "pig holiday" o hindi pagbenta ng baboy bilang protesta sa napipintong pagbaha ng imported na karne.
"Talagang mamamatay ang backyard industry, sila ang unang mamamatay compared sa commercial dahil ang puhunan nila mas maliit," sabi ni Samahang Industriya ng Agrikultura (Sinag) Chairman Rosendo So.
Hindi naman sinagot ng Department of Agriculture (DA) ang isyu tungkol sa planong "pig holiday" pero nanindigan ang ahensiya na inuudyok nila ang mga magbababoy sa mga lugar na walang African swine fever na magpadala ng mga sobrang supply ng baboy sa Metro Manila.
Samantala, mapapaso na sa Abril 8 ang implementasyon ng price ceiling sa baboy at manok.
Pinag-aaralan ng DA kung ano ang susunod na hakbang dahil natitiyak ng traders at mga tindero na sisipa ulit sa P400 o higit ang kada kilo ng baboy.
-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, bilihin, konsumer, baboy, karneng baboy, palengke, Commonwealth Market, Murphy Market, price cap, price ceiling, minimum access volume, imported meat, Department of Agriculture, TV Patrol, April Rafales, TV Patrol Top