PatrolPH

Presyo ng bigas tumaas sa ilang pamilihan

ABS-CBN News

Posted at Apr 03 2020 02:41 PM

Tumaas ng hanggang P9 ang presyo ng kada kilo ng bigas sa ilang pamilihan sa Metro Manila mula nang magpatupad ang gobyerno ng lockdown sa buong Luzon.

Sa Pasay Market, halimbawa, tumaas ng P3 hanggang P6 and kada kilo ng well-milled rice, habang sa Muñoz Market sa Quezon City naman ay tumaas ng P5 hanggang P9 ang kada kilo ng regular-milled rice.

Ayon sa mga nagtitinda ng bigas, biglang kasing nagtaas ng presyo ang kanilang mga supplier. 

Ayon kay Rosario Jao, tindera ng bigas sa Muñoz Market, kung dati ay may mabibili pang tig-P32 kada kilo ng bigas, ngayon ay nasa P38 na ang pinakamura.

Tumumal na raw ang bentahan ng bigas at kinailangan na raw isara muna ni Jao ang 2 niyang puwesto.

Mula nang isailalim ang buong Luzon sa isang buwang enhanced community quarantine noong Marso 16, tumaas ng P2 ang halaga ng palay, ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (Sinag).

Ilan sa mga dahilan ng pagtaas ay dahil sa panic buying at pagbili ng millers sa lokal na palay matapos inanunsiyo ng ilang bansa gaya ng Vietnam at Cambodia na hindi na sila mag-export ng bigas.

Nasa P21 naman na ang farmgate price ng palay mula P19.

Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, pabor ang P2 pagtaas ng farmgate price ng palay sa mga magsasaka pero hindi ito dapat samantalahin ng mga rice trader.

Gagawan daw ng paraan ng Department of Agriculture para mapigilan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas sa merkado.

"We will come up with a price freeze suggested retail price as soon as possible kasi patuloy na tumataas ang presyo ng bigas," ani Dar.

Isinailalim sa community quarantine ang Luzon para mapabagal ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.