20 barangay di sisingilin sa tubig sa Abril: Manila Water

ABS-CBN News

Posted at Apr 03 2019 06:27 PM | Updated as of Apr 03 2019 07:17 PM

Umiigib ng inirarasyong tubig ang mga residente ng Barangay Addition Hills sa Mandaluyong City sa gitna ng kakulangan sa suplay ng tubig sa Metro Manila noong Marso 15, 2019. Mark Demayo, ABS-CBN News

Dalawampung barangay ang natukoy ng Manila Water na hindi sisingilin sa tubig ang mga residente ngayong Abril dahil sa naranasang krisis, ayon sa nasabing water concessionaire.

Kabilang sa mga barangay na walang babayarang April 2019 bill ang mga sumusunod:

BINANGONAN, RIZAL
1. Macamot 
2. Mambog 
3. Tatala

MANDALUYONG
4. Addition Hills 
5. Barangka Drive
6. Barangka Ilaya 
7. Barangka Itaas 
8. Highway Hills 
9. Hulo 
10. Mauway 
11. Plainview 
12. Pleasant Hills 

PASIG
13. Bagong Ilog 
14. Kapitolyo 
15. Oranbo 
16. Pineda 
17. Ugong 

SAN JUAN
18. Addition Hills
19. Santa Lucia

TAGUIG
20. Upper Bicutan 

Ayon sa Manila Water, 45 lahat ng barangay ang "severely affected" sa nangyaring krisis sa tubig pero hindi lahat ng kostumer doon ay walang babayarang bill.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ang ibang nasapul ng water interruption ay may bawas na 10 cubic meters sa bayarin.

"For example, itong parte nitong barangay na ito ay kumukuha ng tubig, kumbaga galing doon sa reservoir na ito, 'yong isa naman, 'yong ibang bahagi, kumbaga sa ibang reservoir. Mayroon mga reservoir na talagang labis na naapektuhan," ani Manila Water spokesperson Jeric Sevilla.

Nakaranas noong nakaraang buwan ng mahinang suplay hanggang sa tuluyang pagkawala ng tubig ang 1.2 milyong kabahayang sineserbisyuhan ng Manila Water sa silangang bahagi ng Metro Manila at sa Rizal province.

PAG-REVIEW SA MGA KONTRATA, OK SA MAYNILAD, MANILA WATER

Samantala, inihayag naman ng Manila Water at Maynilad na bukas sila sa pag-review sa kanilang mga concession agreement.

Kasunod ito ng pag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga abogado ng goyerno na silipin ang mga kontratang pinasok ng gobyerno, kasama ang mga concession agreement.

Ayon sa Maynila, handa sila sa review ng kanilang mga obligasyon sa ilalim ng concession agreement na ginagawa rin naman daw ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System-Regulatory Office.

"Maynilad has always believe in the sanctity of the concession agreement and the merits of this public-private partnership as seen in the vast improvement in the service levels enjoyed by our customers since we took over," sabi sa pahayag ng Maynilad.

"We welcome any review of our obligations under this agreement as has been undertaken by our regulator since the start of the concession," dagdag ng Maynilad.

Handa ring makipag-usap sa gobyerno ang Manila Water.

"As long-time partners of government, we are always open to dialogue with the government to find ways to deal with the challenge of ensuring sustainable water security solution," ani Sevilla. --Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.