MAYNILA – Ngayong tag-init, inaasahang tataas ang konsumo ng kuryente – na katumbas ng mas mataas na Meralco bill – sa dami ng mga appliances na ginagamit sa bahay.
Pero ayon sa ilang eksperto, kaakibat din nito ang pagpili ng tamang appliances.
Ayon sa ilang kinatawan ng Department of Energy at ng Meralco, may mga mekanismo silang ginawa para kilatisin nang mabuti ng mga consumer ang binibili nilang appliances.
Una anila ang pagkakaroon ng "energy label" at "orange tags" na siyang sukatan ng kinokonsumong kuryente ng isang appliance.
Sa "energy label" ng binibiling appliance makikita kung gaano "ka-efficient" ang isang appliance product sa pag-konsumo ng kuryente, na sinusukat base sa "5-star" rating nito. Mas maraming stars, mas marami ang matitipid.
"Mayroon tayong 5-star rating system. Kapag mas mataas ang nakikita nating value, mas-efficient ang ating produkto so mas makakatipid. Mas mainam. Sa kasalukuyan, ang ating energy label makikita sa refrigerators, television sets, lighting products at air conditioners," ani DOE Energy Utilization Management Bureau (EUMB) director Patrick Aquino sa panayam sa Teleradyo.
Sa "Orange Tag" naman makikita ang estimate ng konsumo ng kada appliance sa peso.
"Kino-complement namin ang ER nila ... So ngayon, ang orange tag naman sinasabi namin kung magkano ang mako-konsumo nila kapag ginamit nila itong appliance na 'yon. 'Yong orange tag is 'yong supplement sa nilalagay ng DOE na energy labels," ani Meralco Energy Lab head Engr. Joel Sagun.
Pinakamalaki umano ang ambag ng cooling devices gaya ng electric fan, air conditioner, at refrigerator sa power bill, na sakop ang 50 hanggang 70 porsiyentong konsumo electric bill.
Giit ni Aquino, mas makakatipid ang mga bibili ng mga produktong may mas mataas na energy efficient rates habang tumatagal, kahit mas mahal pa ito ngayon sa merkado kaysa sa ibang mga appliance.
"Kumuha na po tayo ng mataas ang energy efficiency rating dahil makakatipid 'yon. The longer na tumatakbo siya mas malaki ang tinitipid natin. Base sa pag-aaral, mapapansin natin hindi bababa sa 20 to 30 percent at least ang less consumption kapag inverter, halimbawa, ang binili nating refrigerator," ani Aquino.
Mainam din aniya na bumili na ng appliances na may inverter, na dumarami na umano sa merkado.
"Ang energy efficiency ay hindi pagtitipid na minemenosan ang convenience. Mayroon tayong mga practices mayroon tayong mga investments na pwedeng gawin na makakatulong. May microwave na rin, may washing machine. Unti unti na nag-eevolve ang produkto," ani Aquino.
Mahal man ngayon ang mga produktong may mas mataas na energy rating, sinisikap na umano ng DOE na mapababa ang presyo ng mga nasabing appliance.
RELATED VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.