PatrolPH

Singil sa kuryente tataas pa sa mga susunod na buwan: ERC

ABS-CBN News

Posted at Mar 30 2022 04:39 PM | Updated as of Mar 30 2022 07:52 PM

Watch more on iWantTFC

Kinumpirma ngayong Miyerkoles ng Energy Regulatory Commission (ERC) na lalo pang tataas ang singil sa kuryente sa mga susunod na buwan dahil sa giyera sa Ukraine at pagsipa ng presyo ng coal na panggatong ng maraming planta.

Pero ginagawan naman umano ng ERC ng paraan para hindi ganoon kasakit ang epekto sa mga konsumer pagdating ng mga bayarin.

Halimbawa umano ay iyong hindi muna pagsingil ng buong impact ng pagsipa ng presyo ng langis o coal.

"Kung magkakaroon man ng increase, 'di naman ito 'yong tipong lahat na lang ng babayaran mapupunta sa kuryente at wala nang maiiwan sa pagkain," ani ERC Chairperson Agnes Devanadera.

Mas naging mahigpit na rin umano ang ERC sa pagmulta sa mga planta ng kuryenteng pumapalya na lang bigla kahit hindi naman naka-schedule.

Sa pagtaya ng grupong Institute for Climate and Sustainable Cities, puwedeng makaranas ng rotating brownout ang Luzon sa Abril at Mayo kung bigla na namang bumagsak ang maraming planta.

"If the forced outages will still persist in the weeks to come, we will expect rotating blackouts from that period. Thus, it is vital to ensure that these plants on forced outage today can be started up as soon as possible," sabi ni Jephraim Manansala, chief data scientist ng institute.

Isinusulong din ng grupong iwasan na ang fossil fuel gaya ng mga plantang coal bilang panggatong dahil ipinapasa lang din sa mga konsumer ang taas-presyo nito.

"Kapag na-set up na ang wind, solar... wala nang pasa load, fixed na 'yan, 'di na factor 'yong mga Russian invasion ng Ukraine," ani Pete Maniego Jr., senior policy adviser ng grupo.

Bagaman kalat ang renewable energy sources sa Pilipinas, mas malaki pa rin ang produksiyon ng kuryente gamit ang fossil fuel gaya ng coal at langis.

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.