Wala muna umanong putulan ng kuryente at tubig habang nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) ang Metro Manila at mga karatig-probinsiya.
Sa direktiba ng Meralco, tigil muna ang putulan o disconnection simula noong Lunes hanggang Abril 15.
Ito ay matapos ipatupad ang ECQ, ang pinakamahigpit sa 4-level lockdown, sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laugna at Rizal simula Lunes hanggang Abril 4 bunsod ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.
Dahil na rin sa pagdami ng mga nahahawahan ng virus, nakiusap ang Meralco sa mga kostumer na gamitin ang kanilang social media account sa pakikipagtransaksiyon.
Kung kinakailangan talaga, bukas pa rin naman ang mga business center ng power distributor.
Inatasan naman ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) Regulatory Office ang Maynilad at Manila Water na magpatupad ng "no disconnection policy" habang umiiral ang ECQ.
Sakaling ma-extend ang ECQ, dedesisyunan kung palalawigin din ang policy sa tubig, sabi ni MWSS Chief Regulator Patrick Ty.
Taas-presyo ng kuryente
Samantala, inalerto ng Meralco ang mga kostumer nito dahil sa nakitang pagtaas ng presyo ng kuryente sa spot market, na isa sa pinagkukuhanan ng supply ng kompanya.
Dahil dito, maaaring tumaas ang singil sa kuryente sa Abril, ani Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga.
Dalawang magkasunod na buwan nang pababa ang overall rate ng Meralco dahil sa magkakahiwalay na refund na iniutos ng Energy Regulatory Commission.
-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, utilities, konsumer, kuryente, tubig, Meralco, MWSS, Metropolitan Waterworks and Sewerage System, Manila Water, Maynilad, disconnection, disconnection notice, no disconnection, ECQ, NCR Plus ECQ, TV Patrol, Alvin Elchico