MAYNILA - Matapos ang baboy, bahagyang tumaas ang presyo ng manok sa mga merkado, dahil umano sa mahal ng patuka.
Batay ito sa datos na farmgate price mula sa United Broiler Raisers Association.
Mula sa P93 noong Pebrero, nasa P112 na ang farmgate price nitong Marso na nakaapekto sa retail price sa palengke na nasa P150 hanggang P200 kada kilo.
"Kung titingnan niyo 'yung sa Bantay Presyo, medyo tumaas din yung baboy kaya baka medyo lumilipat, tapos yung supply ng isda ay napinsala ng oil spill kaya baka may pressure ng konti sa manok," ani UBRA President Atty. Bong Inciong.
Kung tatanungin ang Department of Agriculture, ito ay dahil sa taas-presyo ng patuka.
"Sa tingin natin meron talagang contribution yung pagtaas ng presyo ng mga patuka kasi alam naman natin na kapag ang cost of production ay tumaas, yan ay may ripple effect sa retail price," ani DA Consumer Affairs Group Asec. Kristine Evangelista.
Ayon pa sa DA, kakaiba ang pagtaas ng presyo ng manok dahil karaniwang bumababa ito sa unang quarter ng taon lalo na pagkatapos ng holiday season.
"Kausap namin industry players, very abnormal kasi dapat bumaba na, ngayon kasi, ngayon nagla-lie low na consumers," ani DA Deputy Spokesperson Asec. Rex Estoperez.
Umaasa naman sila na mag-stabilize ang presyo nito pagkatapos ng Semana Santa lalo't stable ang supply nito sa bansa.
-- Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.