PatrolPH

Walang adjustment sa fuel surcharge sa eroplano, pasahe sa ibang PUV: DOTr

ABS-CBN News

Posted at Mar 29 2022 04:42 PM | Updated as of Mar 29 2022 07:31 PM

Watch more on iWantTFC

Sa kabila ng mataas na presyo ng produktong petrolyo, walang plano ang gobyerno na i-adjust ang fuel surcharge sa pasahe sa eroplano pati ang pasahe sa iba pang pampublikong sasakyan.

"Wala munang increase-an kaya 'yong fuel surcharge, sinisipat at sinisilip," sabi ni Transportation Secretary Arthur Tugade.

Ito'y matapos ihayag ng Philippine Airlines (PAL) na kailangan nang ma-review ang singil sa fuel surcharge.

"We're also working with the CAB (Civil Aeronautics Board) to put some fuel surcharge for the fares. However, we'll make sure that it's still going to be reasonable for passengers to fly," ani PAL President Stanley Ng.

Ngayon pa lang nagsisimulang makabawi ang mga airline dahil sa unti-unting pagdami ng mga pasahero bunsod ng pagluluwag ng travel restrictions.

Kung pagbabasehan ang matrix ng CAB, malaki ang tsansa na mataas ang fuel surcharge na puwedeng ipataw ng mga airline.

Nakikita ang fuel surcharge sa breakdown ng binabayarang ticket sa eroplano, na nangangahulugang naipapasa ito sa mga pasahero.

Para naman sa Cebu Pacific, hindi pa oras para magtaas-singil.

"Our initial objective is to get people back on planes, to get them used to flying again," ani Cebu Pacific CEO Lance Gokongwei.

May mga pagkakataon ding hindi na sinisingil ng AirAsia ang fuel surcharge.

"Hindi po kami nag-implement ng fuel surcharge noong 2015," ani AirAsia Philippines CEO Ricky Isla.

"[In] 2018, we never charged fuel surcharge at this time. Medyo sa sobrang laki po ng fuel increase ngayon, we have to follow fuel guidelines," ani Isla.

Ngayong Martes, muling nagpatupad ng taas-presyo sa produktong petrolyo: P8.65 sa kada litro ng diesel, P3.40 sa gasolina, at P9.40 sa kerosene.

Ayon sa transport group na Piston, hindi sapat ang fuel subsidy na binigay ng gobyerno at hindi rin ito epektibong solusyon.

"Mas makakatulong pagsuspende ng excise tax," ani Piston President Mody Floranda.

Plano naman ng Department of Transportation na i-extend pa ang libreng sakay sa MRT-3, na sa ngayo'y nakatakdang matapos sa dulo ng Abril.

Balak ring i-waive ang babayarang P500 terminal fee ng mga roro at iba pang shipping line, at take off at landing fee sa mga eroplano sa Ninoy Aquino International Airport.

Fuel subsidy naman ang sagot sa mga transportasyon sa kalsada.

Ayon kay Tugade, sa Kongreso hihilingin ang budget sa kabi-kabilang balak na subsidiya.

Puwede ring mag-request ng special session ngayong naka-break ang Kongreso at sa Mayo 23 pa nakatakdang magbalik, ani Tugade.

Nauna nang sinabi ni Pangulong Duterte na wala sa kontrol ng gobyerno ang taas-presyo sa krudo.

Nangako naman ang mga ahensiya ng pamahalaan na hahanap sila ng paraan para maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo sa ekonomiya.

— Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.