PatrolPH

Presyo ng isda at ilang gulay tumaas sa Metro Manila

Lady Vincecio, ABS-CBN News

Posted at Mar 27 2022 01:25 PM

Bentahan ng isda sa isang palengke sa Quezon City noong Enero 19, 2021. George Calvelo, ABS-CBN News/File
Bentahan ng isda sa isang palengke sa Quezon City noong Enero 19, 2021. George Calvelo, ABS-CBN News/File

Tumaas ang presyo ng isda at ilang klase ng gulay sa mga palengke sa Metro Manila bunsod ng kaunting supply na nanggaling sa mga probinsiya.

Sa Mega Q Mart sa Quezon City, naglalaro sa P10 hanggang P40 ang patong sa kada kilo ng ilang klase ng gulay:

Carrots - P60 kada kilo mula P50
Repolyo - P60 kada kilo mula P50
Kamatis - P100 kada kilo mula P60

Ayon sa mga nagtitinda, mahal pa rin ang transportasyon ng mga gulay, lalo na kung galing Benguet. Ito'y bunsod ng patuloy na pagmahal ng presyo ng petrolyo.

Sinabi naman ng Samahang Industriya ng Agrikultura na dapat asahang tataas pa ang presyo ng gulay.

Ngyaon pa lang kasi anila babawi ang mga magsasaka sa production input tulad ng pataba, at gastos sa krudo at gasolina.

Mahal din ang kuha ngayon ng mga nagtitinda ng galunggong at bilong-bilong mula lungsod ng Lucena, Quezon.

Bukod sa krudo, kaunting suplay ang nakikitang dahilan kung bakit mataas ang presyo ng isda ngayon.

Una nang sinabi ng fisherfolk group na Pamalakaya na mababawasan ng suplay ng isda sa bansa dahil sa mga mangingisdang hindi na kayang pumalaot sa taas ng presyo ng langis.

Nakatakdang tumaas ulit sa Martes ang presyo ng petrolyo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.