PatrolPH

'Transportation costs': Ilang palengke dama na ang epekto ng oil price hikes

Angela Coloma, ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2022 02:07 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Dama na ng ilang palengke ang epekto ng oil price hikes sa presyo ng kanilang mga produkto, ayon sa ilang "market master" o mga namamahala sa mga palengke. 

Dahil umano ito sa gastos sa paglilipat ng mga bilihin mula sa mga sakahan hanggang sa palengke - o ang transport cost ng mga paninda. 

Ayon kay Ross Del Rosario ng Star Market, nakita na nilang tumaas ang presyo ng karne. 

Halimbawa, aniya ay umabot na sa P340 kada kilo ang benta nila sa liempo. Bukod dito, nagtaas-presyo na rin aniya ang baboy, manok, bangus, maging sa ibang gulay at pati sa mantika na may halos P40 taas presyo. 

"'Currently, nasa P110 per liter. Dati, naglalaro ito sa P70, P75 per liter. Well, it's really more of sa transportation costs nila. Kasi before, pinipigilan namin na hindi magtaas. Pero dahil tuloy tuloy na ang price increase, dapat nang humabol," ani Del Rosario sa panayam sa ABS-CBN TeleRadyo ngayong Sabado.

Ganito rin ang sentimyento ni Rom San Juan ng Cainta Public Market, na nagsabing pinakatinamaan ang mga karneng baboy, manok, at isda. May bahagya rin aniyang taas-presyo sa bigas.

"Talagang tumaas sa'min P30 o P40 sa laman. Pati liempo, tumaas. Ang manok sa'min dati P160, P180 na ngayon," ani San Juan. 

Umaabot naman sa P200 kada kilo ang presyo ng malalaking uri ng bangus, ayon kay San Juan. 

Sa ngayon, hinihikayat ng mga market master ang kanilang mga tenant na huwag masyadong taasan pa ang presyo ng mga produkto. 

"'Pag masyado mataas sa market, 'yung iba, maghahanap ng alternative, [hindi] na bibili sa atin. Maapektuhan ang lahat. Pero sabi nila, wala silang magagawa kasi ang supplier nila, nagtataas ng bagsak sa kanila," ani San Juan. 

Paliwanag pa ni Del Rosario, hindi nila ganoong mahahawakan ang presyo ng bilihin sa mga palengke. 

"Pero, in general... these are independent business owners. Kani-kaniyang negosyo 'yan na hindi namin puwedeng mandohan. Otherwise ang sasabihin nila sa'min, 'Hindi kami magbabayad ng puwesto'," ani Del Rosario. 

Nauna nang nabanggit ng ilang agricultural groups na kinakailangan na nilang taasan ang presyo ng mga bilihin sa merkado, dahil papasok na sa linggong ito ang epekto ng mga oil price hike sa mga nakalipas na linggo. 

Matapos ang rollback na aabot sa P12 sa kada litro ng diesel noong Martes, tinatayang may taas-presyo muli na P8 kada litro sa diesel at kerosene. May P3 kada litro namang aasahang taas-presyo sa gasolina na sanhi umano ng tensiyon sa pagitan ng Ukraine at Russia. 

Nanawagan na ang mga grupo na suspindehin na muna ang ipinapataw na excise tax sa petrolyo dahil sa walang habas na pagtaas ng presyo nito sa world market, na nakaaapekto na sa pamumuhay ng mga manggagawa partikular na sa mga minimum wage workers, at sa mga tsuper. 

Sa hiwalay na panayam sa TeleRadyo, sinabi ni Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) chairman Rosendo So na talagang tataas ang presyo ng mga bilihin at magpapatuloy ang panawagan na itaas ang sahod ng mga manggagawa habang nariyan ang excise tax sa harap ng oil price hikes. 

"Kung yung fuel hindi nila susuportahan yung excise tax hindi suspended, wala tayong magagawa kasi hindi naman puwedeng malugi ang magsasaka. Hindi magtatanim iyan. Tayo tayo mamomroblema," ani So. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.