Suggested retail price di nasusunod sa ilang pamilihan

ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2020 03:57 PM | Updated as of Mar 26 2020 07:29 PM

Nakiusap ngayong Huwebes si Agriculture Secretary William Dar sa mga lokal na opisyal na bantayan ang presyo sa mga pamilihan matapos matuklasang may ilang nagbebenta ng mga bilihin na lagpas sa suggested retail price (SRP).

Dapat banatayan ng mga lokal na Price Coordinating Council at market masters ang presyo, lalo at nakapako ang presyo ng mga produkto ngayong nasa ilalim ng state of public health emergency ang bansa, ayon kay Dar.

Sa pag-iikot sa mga pamilihan sa Metro Manila ngayong Huwebes, natuklasan nina Dar at Trade Secretary Ramon Lopez na maraming tindahan ang hindi sumusunod sa SRP.

Halimbawa, nasa P140 o lagpas pa ang presyo ng isang buong manok, na dapat ay P130 lang. Ibinebenta naman sa P220 ang isang kilo ng karne, na dapat ay nasa P190.

Maglalabas ng bagong listahan ng presyo ng mga produkto ang Department of Agriculture na dapat masunod habang may price freeze, ayon kay Dar.

Binigyan ng notice of violation ang mga tindahang natuklasang nag-overprice, na maaari umanong mahuli kapag hindi nila inayos ang kanilang mga presyo makalipas ang 2 araw.

Ayon kay Dar, karaniwang dahilan ng mga nagtitinda ay ang mahal na presyong ibinigay ng traders at mga produktong naiipit sa checkpoint.

Samantala, umaasa naman sina Lopez at Dar na patuloy na bebentahan ng Vietnam ang Pilipinas ng bigas sa kabila ng anunsiyo ng Vietnam na hindi muna sila mag-e-export ng bigas dahil sa nararanasang krisis kasabay ng COVID-19.

Ayon kay Lopez, posibleng pagbigyan ng Vietnam ang Pilipinas kapag si Pangulong Duterte ang nakiusap.

Aagahan na rin umano ng DA ang pagtatanim at palalawakin ang planting areas para mapadami ang ani.

Sa National Food Authority, tiniyak ng administrador na si Judy Dansal na sapat ang NFA rice na ibinebenta sa mga pamilihan.

Nagdeklara noong Marso 9 ang gobyerno ng state of public health emergency para mas mapabuti ang pagtugon sa COVID-19. -- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.