Piñol, ibinida produktong Pilipinas sa Russia

Niel Caburnay Tero, ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2019 08:01 PM | Updated as of Mar 26 2019 08:50 PM

MOSCOW, Russia - Kumpiyansa si Agriculture Secretary Emmanuel Piñol na malaking tulong sa sektor ng agrikultura ng Pilipinas kung makapagbubukas ito ng bagong market sa Europa. 

“This is a 180 million (consumer) market and our gateway to this market is Russia. If we’re able to establish our good relations with Russia, we are opening up totally new market. I’ve seen the excitement of people,” sabi ni Piñol.

Bumisita si Piñol sa Russia at Belarus para i-promote ang Philippine agricultural products. Pakay din niya ang mas palakasin pa ang agricultural ties ng Pilipinas at Russia para makapasok ang produkto ng bansa tulad ng coconut flour at sugar sa European market.

"Nakipagsiksikan tayo doon sa market na puno na ng kakompetensiya samantalang ito, Eastern European market, people are excited to know more about ‘copra’," sabi niya. 

Iprinesenta rin niya ang industriya ng pinya, saging, tuna, paggawa ng barko at bangka sa pangingisda at paghahanap ng fertilizer sa ahensiya ng agrikultura sa gobyerno ng Russia.
 
Ang agrikultura sa Mindanao ang unang target na pausbungin ni Piñol sa kaniyang naging misyon sa Russia. 

"They’re already talking about investing in a banana farm in the Bangsamoro area and we are open to that and [we've] started the survey and identify the area." 

Umaasa siyang makapag-uuwi ng malalaking investments sa Pilipinas mula sa serye ng pakikipag-usap sa gobyerno ng Russia at Belarus.

"I think we can do better, it's a question of accessing the market," dagdag niya.

Samantala, naniniwala si Piñol na patuloy na magiging problema ng Pilipinas ang kakulangan sa tubig kung hindi magkakaroon ng rational water management program.

"We are a country blessed with so much water, hit by a typhoon 20 times a year pero dalawang buwan lang na walang ulan, umiiyak na tayo dahil wala na tayong tubig? We have not managed our water, wala tayong rational water management program," sabi niya.

Pinaghandaan naman umano ng Department of Agriculture (DA) ang El Niño.

"As early as last year, may task force na sa El Niño ang D.A. We already downloaded our money to the regions to prepare for cloud seeding...That’s the best we can do," sabi niya.