EDSA Bus Carousel sa Quezon City noong Hunyo 30, 2021. Mark Demayo, ABS-CBN News/File
Sinisingil na ang mga driver ng taxi, tricycle at bus, at delivery rider ang gobyerno sa ipinangako nitong ayuda sa harap ng patuloy na pagmahal ng presyo ng petrolyo.
Umarangkada na kasi ang pamamahagi ng fuel subsdiy sa mga jeepney driver pero marami sa driver ng ibang pampublikong sasakyan at delivery rider ang hindi pa nakakatanggap nito.
Kabilang sa mga nanawagan para sa ayuda ang taxi driver na si Jaime Balunan, na todo-tipid para may matirang pang-boundary at pangkarga ng gasolina.
"Malaki na 'yong utang ko sa 5-6 eh. Magugutom ang pamilya e. Ano magagawa?" ani Balunan.
Hinahanap na rin ng mga tricycle driver ang P6,500 na ayuda.
"Sana po maipamigay na... kawawa naman po kaming lahat," ani Rey Paguirigan, presidente ng isang toda.
Hindi rin tiyak ng ibang bus driver kung kasali ba sila sa mga makakatanggap ng ayuda.
"Malapit na pasukan, enroll-an na naman ng mga bata, makakadagdag sa amin 'yan. Kailangan po namin 'yan," ani Hercules Badong.
Naiinip na rin ang mga delivery rider gaya ni Dondon Marco, na nasa P150 ang naipon bago magtanghali pero mababawasan pa ito ng P100 pangkarga.
"Kailangan namin 'yong ayuda. Siyempre, unang-una mataas ang bilihin, gastusin, 'di na namin kayang kumita sa 1 araw ng P1,000," sabi ni Marco.
Hindi pa man nakakatanggap ng ayuda, tila masasapul na naman ang nasabing mga driver at rider dahil nagbabadyang tumaas muli ang presyo ng petrolyo sa susunod na linggo.
Nasa P3 ang posibleng taas-presyo sa gasolina at P7 sa diesel.
Tiniyak naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na minamadali na ang pagproseso ng ayuda ng ibang mga driver na may prangkisa sa kanila.
"Sa buses po nagsimula na tayo, sa UV, TNVS saka taxi, 'yon ho ang pino-process natin for card production... hopefully makapag-distribute na rin po ang Landbank in the coming weeks," ani Zona Tamayo, direktor ng LTFRB sa National Capital Region.
Susunod na ring makakatanggap ang mga tricycle at delivery rider, na sa ibang departamento naman manggagaling ang listahan.
Samantala, sinimulan na ng Department of Agriculture ang pamimigay ng P3,000 fuel discount sa mga mangingisda at magsasaka sa Tacloban at Zambales.
— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.