PatrolPH

Demand sa vitamin C, ilang gamot sumipa dahil sa COVID-19: grupo

Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Posted at Mar 24 2020 05:44 PM

Demand sa vitamin C, ilang gamot sumipa dahil sa COVID-19: grupo 1

MAYNILA — Sumipa ang demand para sa vitamin C at ilang gamot sa gitna ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine sa Luzon bilang hakbang kontra pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Ayon sa Pharmaceutical & Healthcare Association of the Philippines (PHAP), simula nang makapagtala ng kaso ng COVID-19 sa bansa, higit doble ang itinaas ng demand para sa vitamin C.
 
Dumami rin ang bumibili ng maintenance medicines para sa senior citizens at ilang antibiotics at antivirals.

Sa gitna ng Luzon lockdown, mayroon pang mga bumibili ng maintenance medicines na pang isang buwan o higit pa.

Kaya naman sa ilang botika sa Metro Manila at sa ilang probinsya sa Luzon, nagkakaubusan na ng suplay ng ilang gamot.

"Ayon sa inventory na isinagawa kasama ng mga miyembro ng PHAP, may ilang mahahalagang gamot na aabot ang supply nang hanggang isang taon. Para sa ilang mga gamot na limitado na ang supply, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng aming mga miyembro para sa mga shipments mula sa ibang bansa," sabi ni Teodoro Padilla, executive director ng PHAP.

Sabi pa ni Padilla, may mga parating na shipment ng gamot ngayong buwan hanggang Mayo.

"Mayroong mga shipments na parating ngayong buwan hanggang Mayo habang ang ibang mga gamot naman ay patuloy na ginagawan ng paraan sa pakikipag-ugnayan sa Food and Drug Administration."

Kahit mas mahal, handa rin daw ang mga pharmaceutical company na mag-charter ng flights para hindi maantala ang pagdating ng medisina, ani Padilla.

Sinabi naman ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez na patuloy na pinapayagan ang pag-manufacture ng ilang gamot sa bansa.

"Vitamins like medicines are allowed to manufacture and distribute, so continue lang," ani Lopez. 

Tatagal hanggang Abril 13 ang lockdown sa Luzon.

Sa huling tala, higit 500 na ang dinapuan ng COVID-19 sa Pilipinas. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.