PatrolPH

Manufacturers tiniyak ang tuloy-tuloy na produksiyon ng karneng de-lata

ABS-CBN News

Posted at Mar 23 2020 07:18 PM

Watch more on iWantTFC

Tiniyak ng mga manufacturer na tuloy-tuloy ang kanilang produksiyon ng karneng de-lata sa gitna ng pagnipis ng supply sa mga pamilihan bunsod ng pangamba sa kumakalat na coronavirus disease (COVID-19).

Numipis ang supply ng karneng de-lata dahil sangkaterbang Pilipino ang namakyaw kasunod ng enhanced community quarantine, na ipinatupad ng gobyerno sa gitna ng pagkalat ng COVID-19, ayon kay Philippine Association of Meat Processors Inc. (PAMPI) Vice President Jerome Ong.

"'Yong supply natin ng finished goods is now less than 15 days... We have materials good for another 30 to 45 days," ani Ong.

"As we continue to produce daily, we are confident that we will be able to meet the daily demand," dagdag ni Ong.

Bunsod nito, inihayag ng Department of Trade and Industry (DTI) na lilimitahan na rin nila ang bilang ng canned meat na puwedeng bilhin ng kada konsumer.

Aamyendahan ng DTI ang memorandum para limitado na rin ang mabibiling corned beef at meat loaf sa mga grocery.

"Depende sa size. Kung regular, mga 5 cans siguro, kung malalaki... siguro mga 2 or 3 cans per person, per type, per brand," ani Trade Undersecretary Ruth Castelo.

Kampante naman ang DTI na sapat ang supply ng canned meat pero umapela rin sa mga konsumer na huwag bumili nang sobra-sobra para makabili ang iba.

"Huwag na tayong mag-stock ng pagkadami-dami dahil kailangan din nating bigyan ng pagkakataon 'yong iba na makabili," ani Castelo.

Tiniyak din ng San Miguel Corporation -- na gumagawa rin ng de-lata, inumin, at mga manok -- na aabot ang kanilang supply hanggang katapusan ng taon.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.