Posibleng wala pa ring tubig sa ilang lugar sa southern Metro Manila at Cavite sa darating na Semana Santa dahil sa patuloy na situwasyon ng Putatan Treatment Plant, sabi ngayong Miyerkoles ng Maynilad.
Ayon sa mga apektadong residente, Disyembre pa sila nakararanas ng service interruption pero ngayo'y extended pa hanggang Marso 24 dahil sa paglabo ng tubig galing Laguna Lake.
Ayon kay Maynilad Spokesperson Jennifer Rufo, posibleng sa kalagitnaan pa ng Abril bumalik sa normal ang supply ng tubig sa mga apektadong lugar.
"Magi-improve na nga po siya pero gradually lamang so hindi po siya immediate na magi-increase ang production," ani Rufo.
"So in the next couple of weeks, siguro around mid-April, mare-restrore na po natin siya but we will provide updates po kung ano man ang magiging situation sa south," dagdag niya.
Ayon sa Maynilad, hanging amihan ang dahilan kung bakit nahihirapang iproseso ang tubig.
"Tuwing amihan season, ang direksyon ng hangin, tinutulak ang tubig ng lawa papunta sa treatment plant natin. At dahil mababaw po ang Laguna Lake, mas mabilis mabulabog ang sediments sa lake bed kaya diretso po siyang pumupunta sa treatment plant," paliwanag ni Rufo.
Ayon kay Rufo, pinaghahandaan na rin ng Maynilad ang summer months, kung saan sumisipa nang hanggang 6 porsiyento ang konsumo.
"Kasama po diyan ang paga-activate ng mga karagdagang deep wells na pagkukunan ng additional supply. Mayroon din po tayong tinatayong modular treatment plants sa south," aniya.
Mino-monitor na rin ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System Regulatory Office ang mga bagong water interruption ng Maynilad para masuri kung kailangan na bang magpataw ng panibagong multa sa kompanya.
— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.