PatrolPH

Bilang ng mga driver na nabigyan ng fuel subsidy nasa 108,000 na: LTFRB

ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2022 03:08 PM

Nagpapakarga ng gasolina ang isang tsuper sa Maynila nitong Pebrero 28. Jonathan Cellona, ABS-CBN News
Nagpapakarga ng gasolina ang isang tsuper sa Maynila nitong Pebrero 28. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

MAYNILA - Umabot na sa higit 108,000 ang nabigyan ng tig-P6,500 fuel subsidy na ipinagkaloob ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board. 

Sa isang pahayag, sinabi ng tanggapan na nabigyan na ang 108,164 tsuper mula nang umarangkada ang distribution nitong Marso 15, na katumbas ng higit P703 milyon. Layong mabigyan ng cash aid ang aabot sa 377,000 na mga tsuper. 

"Malaking tulong ang programang ito dahil patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis sa merkado. Inaasam din nila [tsuper] na sana magkaroon pa ng mga susunod na subsidiya ang maipamahagi pa ng gobyerno," ani LTFRB. 

Nakikipag-ugnayan ang tanggapan sa LandBank of the Philippines para mapabilis ang implementasyon ng programa. 

Ibinabahagi ang cash aid sa mga tsuper na apektado ng serye ng oil price hikes na dala ng giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia. 

Nitong Martes lang naitala ang unang rollback ngayong 2022. Paalala ng LTFRB na dapat sa krudo lang ginagamit ang fuel subsity. 

"Pinapa-alalahanan ang mga operators/drivers, na ang halaga na kanilang matatatanggap na fuel subsidy sa ilalim ng programang ito ay maaari lamang gamitin para sa pagbili ng kailangan nilang krudo," anila. 

Una nang nabanggit ng Department of Budget and Management na kasado na ang isa pang tranche ng fuel subsidy para sa mga tsuper sa Abril. 

Tinatayang nasa P2.5 bilyon ang inilaan para rito. Pero hindi pa matiyak ng DBM kung magkakaroon pa ng ika-3 o ika-4 na bugso ng subsidiya, na magdedepende kung tataas pa ang presyo ng langis sa mga susunod na linggo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.