'Singil sa kuryente, mababawasan kung Malampaya fund ay gagamitin'

ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2018 10:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isinusulong sa Senado na gamitin ang Malampaya fund para mabawasan kahit papaano ang singil sa kuryente.

Ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian, hanggang P0.35 kada kilowatt hour (kWh) ang puwedeng matipid sa kuryente kung gagamitin ang Malampaya fund para bayaran ang P132 bilyong kabuuang utang ng Napocor sa universal charge nito na sinasalo at binabayaran ng lahat ng konsumer.

"Puwede nating pababaan ang presyo ng kuryente as much as P0.35 per kilowatt hour, so ganiyan ang advantage kung magamit natin ang buong Malampaya fund," ani Gatchalian. 

Dagdag niya, malaking tulong na iyon lalo pa't nagbabadyang tumaas ang singil sa kuryente kasabay ng pagtaas ng presyo ng coal na karaniwang ginagamit ng mga planta ng kuryente.

Apektado rin ang power rates ng humihinang palitan ng piso kontra dolyar.

"Siguro hovering around P0.25 per kilowatt hour [ang itataas sa singil sa kuryente]," sabi ni Gatchalian.

Nauna nang inanunsiyo ng Meralco na tataas ng P0.85 kada kWh ang singil sa kuryente para sa March billing ng mga konsumer nito.

Sang-ayon naman ang isang consumer group na gamitin ang Malampaya fund.

Ayon kay Gatchalian, nasa P204 bilyon na ang Malampaya fund na share ng gobyerno sa natural gas exploration sa Palawan.    

Naging kontrobersiyal ang Malampaya fund dahil isa sa mga alegasyong ibinabato laban kay umano'y 'pork barrel queen' Janet Napoles ang paglustay sa Malampaya fund noon. 

Sa kasong isinampa ng Ombudsman, inakusahan sina Napoles at ilan niyang kaanak ng pakikipagsabwatan umano kina dating Budget chief Rolando Andaya Jr., at Agrarian Reform Secretary Nasser Pangandaman para malustay ang P900 milyon mula sa Malampaya fund na dapat ay laan para bigyang ayuda at rehabilitasyon ang mga nasalanta ng bagyong "Ondoy" at "Pepeng" noong 2009.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.