ALAMIN: Condonation program para sa di nababayarang utang sa SSS

ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2018 06:35 PM | Updated as of Dec 13 2018 05:48 PM

Muling magpapatupad simula Abril 2 ang Social Security System (SSS) ng loan restructuring o condonation program para sa ilang klase ng utang na hindi mabayaran.

Sinabi ni SSS president Emmanuel Dooc na bukas ang condonation program sa mga may short-term loans tulad ng calamity loan mula 2009 hanggang 2017.

Buong listahan ng mga uri ng loan na pasok sa programa: 

  • Calamity loan (mula 2009 hanggang 2017)
  • Salary loan
  • Emergency loan
  • Educational loan
  • Study now, pay later plan
  • Voc-tech loan
  • Y2k loan
  • Investment incentive loan 

Magsisimula silang tumanggap ng aplikasyon para sa condonation sa Abril 2 at magtatagal ito ng anim na buwan. 

Ipinaliwanag ni Dooc kung papaano makagagaan sa utang ang naturang programa. 

"Pagsasamahin po ang principal amount at accrued interest. Ire-restructure po 'yan at maaari nilang bayaran sa loob ng limang taon. Puwede silang pumili [1 to 5 years]. Mababa lang ang interes kapag 'kinondone' ito, 3 percent lang," ani Dooc.

Isa sa mga layunin ng loan restructuring program ay maibalik sa "good standing" ang status ng isang miyembro at makuha nang buo ang kanilang mga benepisyo.

Ang mga natitirang utang kasi na hindi nabayaran ay ikakaltas sa kabuuang benepisyo sa oras na magretiro. 

    Ayon pa kay Dooc, patok ang nasabing programa dahil halos 900,000 SSS members ang nag-avail ng condonation program noong 2017 at aabot sa P13.8 bilyon ang kabuuang restructured amount.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.