(UPDATE) Tumaas ang presyo ng manok at baboy sa ilang palengke sa Metro Manila sa harap ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Sa Mega Q Mart sa Quezon City, halimbawa, pumalo na sa P420 ang kada kilo ng liempo at P340 naman ang kasim, mas mataas nang P10 sa dati nitong mga presyo.
Nasa P10 din ang iminahal ng karne ng manok, na ngayo'y nasa P200 para sa choice cuts.
Ayon sa mga nagtitinda, matumal ang bentahan ngayon dahil hirap ang mga mamimiling abutin ang presyo ng mga bilihin.
Kaya umaasa silang bababa rin ang presyo ng mga biyahero kung magkakaroon ng rollback sa langis.
"Sana nga bumaba. Makaka-afford 'yong mga tao 'pag bumaba. 'Yong bumibili ng isang kilo, kalahati na lang," sabi ng tinderang si Elizabeth Espino.
May 11 sunod-sunod na linggo nang nagmahal ang presyo ng produktong petrolyo pero sa Martes (Marso 22), nakatakdang magpatupad ang mga oil company ng rollback — ang pinakaunang bawas-presyo ngayong 2022.
Ayon pa sa mga nagtitinda, kulang ang supply ng manok na dumadating ngayon sa palengke, na posibleng dahilan din ng taas-presyo.
May isang linggo na kasing maliliit ang mga manok mula sa kanilang supplier.
"Sa sobrang init siguro, namamatay ganoon. Hindi masyadong lumalaki," sabi ng tinderang si Maricel Merlita.
Sa Galas Public Market sa Maynila, tumaas naman nang P20 ang kada kilo ng baboy.
Mula P300 kada kilo, P320 na ngayon ang laman habang nasa P380 na ang kada kilo ng liempo.
Sumipa naman sa P190 ang kada kilo ng manok.
Ayon sa mga nagtitinda sa Galas, mataas ang kuha nila sa kanilang mga supplier sa norte.
Sinabi naman ng Samahang Industriya ng Agrikultura (Sinag) na hindi pa mararamdaman ang epekto ng rollback sa Martes, at tataas pa nang P15 hanggang P20 ang live weight price ng manok at baboy.
Ipinaliwanag ni Sinag Chairman Rosendo So na ngayon pa lang kasi mararamdaman ang taas-presyo ng production cost ng mga magsasaka ng mais, na tinamaan ng oil price hike.
Dahil dito, tataas din ang presyo ng feeds at madadagdagan din ang gastos ng raisers ng manok at baboy.
Gulay
Bahagya naman ding tumaas ang presyo ng ilang gulay mula Benguet dahil sa pagmahal ng petrolyo.
Sa panayam ng Teleradyo, sinabi ni Rodrigo Lawan, secretary ng Benguet Vegetable Truckers and Drivers Association, P0.50 kada kilo ang dagdag-singil sa mga gulay.
Wala umano silang magawa lalo't malaki ang lugi ng mga nagde-deliver ng gulay dahil tumaas ang gastos sa transportasyon.
Partikular umano rito ang mga gulay na itinatawid sa dagat, na nasa P3 kada kilo ang dagdag-presyo.
RELATED VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.