MAYNILA — Hindi epektibo ang umano'y hatol ng mga tindero sa halos 2 buwang pagpapatupad ng price cap sa presyo ng karneng baboy at manok sa Metro Manila dahil hindi naman aniya ito nasusunod.
Tingin ng mga nagtitinda, babalik sa higit P400 ang presyo ng kada kilo ng baboy kapag napaso ang pagpapatupad ng price ceiling sa Abril 8.
"Malamang siguro aabot nang ganoon kasi kulang nga po sa supply kasi madami pang hindi nag-aalaga," ani Ferdinand Gorbin, tindero ng baboy.
"Tataas talaga po kasi tumataas ang puhunan ng baboy. Mataas din ang kuha namin," aniya.
Dahil dito, plano ng Department of Agriculture (DA) na magpatupad ng suggested retail price (SRP) sa baboy at manok sa Metro Manila at ibang kalapit na rehiyon.
"Ang instructions ni Secretary [William Dar], pag-aralan 'yong imposition ng SRP after noong price ceiling ‘pag naglapse na 'yong 60 days," ani Agriculture Assistant Secretary Noel Reyes.
"Pinag-aaralan kung i-include 'yong kalapit region, Region 3, 4-A, 'yong malapit sa Metro Manila," ani Reyes.
Mas pabor sa SRP kaysa price cap ang mga hog raiser.
"'Yong SRP ika nga, puwedeng masunod, puwedeng hindi. 'Di katulad ng price ceiling, 'pag lumapas ka sa presyong 'yon, puwede ka nang hulihin. 'Yong SRP, suggestion lang 'yan," sabi ni Pork Producers Federation of the Philippines Vice President Nicanor Briones.
Pero hindi umano sila pabor ngayon sa plano ng DA na magsagawa ng trial ng antiviral compounds na i-ispray sa mga baboy para maiwasan ang African swine fever.
Wala umanong katiyakan kung makatutulong ang compounds na puksain ang nakamamatay na sakit sa baboy.
"Kahit kaming magbababoy, 'di namin te-testing-in 'yan dahil kung walang malinaw na kasiguruhan na 'yan ay makakapigil o makakagaling sa African swine fever," ani Briones.
Ayon naman sa Samahang Industriya ng Agrikultura (Sinag), bakuna at first border facility o pagte-testing sa mga pumapasok na produkto ang mas dapat pagtuunan ng pansin ng DA.
"Nakita naman natin for the past how many years eh sinubukan na ng mga scientist to test many compound," ani Sinag Chairman Rosendo So.
Pero nilinaw ng Bureau of Animal Industry (BAI) na pinag-aaralan pa lang ang trail design at nakikita nilang walang masamang idudulot ang mga nasabing antiviral compounds.
"We're not using any biologics or vaccines. Itong antiviral we can say these are clean compounds or compounds which are not harmful to humans," ani BAI officer-in-charge Reildrin Morales.
Ayon pa kay Morales, isasagawa ang trial sa loob nang 1 hanggang 2 linggo.
Patuloy rin ang negosasyon ng BAI sa VIetnamp ara sa bakuna sa ASF.
— Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News
RELATED VIDEO:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, agrikultura, bilihin, #PricePatrol, manok, baboy, suggested retail price, price cap, price ceiling, Department of Agriculture, Pork Producers Federation of the Philippines, Bureau of Animal Industry, African swine fever, TV Patrol, April Rafales