Manila Water di muna dapat maningil sa Marso: MWSS chief

ABS-CBN News

Posted at Mar 19 2019 08:16 PM

Pila para sa tubig ng mga residente ng Barangay Addition Hills, Mandaluyong City sa gitna ng kakulangan sa suplay ng Manila Water. Mark Demayo, ABS-CBN News

Pabor ang pinuno ng ahensiyang nangangasiwa sa mga water concessionaire na huwag munang pagbayarin ng March bill ang mga kostumer ng Manila Water na naapektuhan ng water interruption nitong nagdaang linggo.

Pero ayon kay Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) Administrator Reynaldo Velasco, depende pa rin daw ito sa desisyon ng MWSS Regulatory Office.

Watch more in iWant or TFC.tv

"Personal ko ito, 'di 'to official ng MWSS, kung okay 'yong Manila Water na huwag nang maningil sa mga apektado for the month of March hanggang ma-restore nila ito," ani Velasco.

"Palagay ko it would be a good action on the part of Manila Water," dagdag niya.

Ayon naman kay MWSS Chief Regulator Patrick Ty, pinag-aaralan na ang hindi pagsingil. 

"Pinag-aaralan natin na kung puwedeng huwag mag-charge ang Manila Water for this month because of the water interruption dahil sobrang namrublema 'yong mga mamamayan," ani Ty.

Mula noong nakaraang linggo, nakaranas ng mahinang suplay hanggang sa tuluyang pagkawala ng tubig ang 1.2 milyong kabahayang sineserbisyuhan ng Manila Water. Hindi naman apektado ang west zone sa ilalim ng Maynilad.

Ayon naman sa Manila Water, susunod sila sa ano mang utos ng MWSS-Regulatory Office.

Pero may mga sinisingil sa bill na sinisingil kahit walang tubig na lumabas sa gripo gaya ng basic charge na higit P100 sa residential customers, Foreign Currency Differential Adjustment (FCDA), environmental charge na 20 porsiyento ng basic charge, maintenance service, at value-added tax.

"Unless kasi na formally, talagang ni-request mong either temporarily or permanently ipa-disconnect mo 'yong service mo, so patuloy na magiging active 'yong serbisyo kaya nagkakaroon siya ng parang binabayaran mo na minimum," ani Manila Water spokesperson Jeric Sevilla.

Sa pagdinig naman sa Senado nitong Martes, sinabi ng Manila Water na pag-aaralan nila ang adjustment sa water bill ng kanilang mga kostumer para magbigay-ayuda sa mga naapektuhan ng krisis sa tubig.

Kasunod ito ng hirit ng ilang senador na pagbibigay ng rebate o ilang porsiyentong refund bilang danyos sa idinulot na problema ng Manila Water sa kanilang mga kostumer. 

Sinabi rin ng Manila Water sa isang pahayag nitong Martes na 93 porsiyento ng kanilang mga kostumer sa silangang bahagi ng Metro Manila ang nakatatanggap na ulit ng regular na suplay ng tubig.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.