PatrolPH

Suplay ng processed meat, de-lata sapat sa loob nang 2 buwan: grupo

ABS-CBN News

Posted at Mar 18 2020 06:00 PM

MAYNILA — Siniguro ng isang samahan ng meat processors na sapat ang suplay ng mga processed meat at de-lata, sa gitna ng pangamba ng shortage dahil sa umiiral na Luzon lockdown.

Ayon Jerome Ong, vice president ng Philippine Association of Meat Processors Inc., aabot pa ang pinagsamang inventory ng mga distributor at retailer sa loob nang 45 hanggang 65 araw.

Iyun nga lang, maaaring bumaba ito kapag nag-panic buying ang mga tao. 

"We have sufficient stocks, so the public should not worry and as we continue to be allowed to produce under safe conditions, we’ll be able to replenish that basta walang (as long as there is no) panic-buying," ani Ong.

Tatagal hanggang Abril 13 ang enhanced community quarantine sa Luzon, kung saan mahigpit na ipatutupad ang home quarantine sa mga residente. 

"Depending on the area, we have seen surges [of buying] as much as 3 to 5 times higher than normal. If that will continue, the 30-day supply will just go down to just about half or less than half," ani Ong.

Payo ni Ong, bilhin lang ang kailangan hanggang sa loob nang 2 linggo. 

Samantala, idinaing din ni Ong ang mga hamon sa pagpapatupad ng pinaigting na quarantine. 

Isa na dito ang mabagal na usad ng mga cargo na naglalaman ng mga raw materials at ibang sangkap sa paggawa ng mga pagkain. 

Nahihirapan din daw makapasok sa trabaho ang mga factory worker dahil walang masakyan bunsod ng suspensiyon ng public transportation. 

"It’s the total ban on public transport that is making it difficult, but again that's the whole point of this community quarantine. We are hopeful that guidelines on the movement of our employees will be issued today, because yesterday we only had about 50 to 60 percent of our people able to come to work," ani Ong. 

Sa huling ulat, nakipag-ugnayan na si Agriculture Secretary William Dar sa inter-agency task force (IATF) na bigyan ng special lane ang mga may trak na may bitbit na pagkain at iba pang mahahalagang cargo.

"Nagsagawa na nga ng adjustment itong IATF at ang pinakaimportante na pinapatupad ngayon ay ang separate lane for cargoes, delivery trucks, para di na maantala pagpasok ng gulay, agri products papasok ng kalakhang Manila," ani Dar. 

—Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.