Presyo ng gasolina tataas ng P1.45 kada litro sa Martes

ABS-CBN News

Posted at Mar 18 2019 11:28 AM | Updated as of Mar 18 2019 07:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATED) Magkakaroon ng pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo simula Martes, ayon sa mga kompanya ng langis.

Ayon sa Shell, Petro Gazz, Caltex, SEAOIL, PTT Philippines, Eastern Petroleum, TOTAL, Flying V, at Petron, tataas ng P1.45 ang kada litro ng kanilang gasolina at P0.30 ang kada litro ng diesel.

Tataasan din ng Shell, Caltex, SEAOIL, Flying V, at Petron ng P0.40 ang kada litro ng kanilang kerosene.

Magiging epektibo ang mga bagong presyo simula alas-6 ng umaga, maliban sa Caltex na magpapatupad 12:01 ng hatinggabi.

Aabot na sa P5.50 ang iminahal ng gasolina sa loob ng 6 na linggo o mula Pebrero 12 hanggang Marso 19.

Pero kung simula Enero 1 hanggang Marso 19, P8.35 na ang dagdag-presyo sa gasolina, P6.89 sa diesel at P4.57 sa kerosene.

PAGTAAS NG BIODIESEL CONTENT, ISINUSULONG

Habang tumataas ang presyo ng petrolyo, isinusulong naman ng Department of Agriculture na taasan ang biodiesel content ng mga itinitindang diesel sa gasolinahan.

Mula sa kasalukuyang 2 porsiyento, gustong itaas ang biodiesel content sa 5 porsiyento.

Higit P1 kada litro ang madagdag sa presyo ng diesel kapag ginawang 5 porsiyento ang biodiesel content, ayon sa sources.

Ayon naman sa Philippine Institute of Petroleum, na kumakatawan sa 3 malalaking oil firms, kailangan munang maayos ang ilang teknikal na isyu at usapin ng dagdag-presyo.

"Not now... until such time that the technical concerns and the operational concerns are addressed," ani Philippine Institute of Petroleum Executive Director Teddy Reyes.

Tutol din sa dagdag-biodiesel ang Independent Philippine Petroleum Companies Association (IPPCA).

Maganda naman daw ang kalidad ng mga bagong diesel ngayon kaya hindi na kailangang itaas sa 5 porsiyento ang biodiesel.

"Pagka naging mandated na dito, then ano'ng mangyayari? Tataas 'yong demand. 'Pag tumaas 'yong demand, tataas 'yong presyo," ani IPPCA President Bong Suntay.-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.