PatrolPH

Ilang kainan sa Caloocan dama ang pagtaas ng presyo ng bigas

ABS-CBN News

Posted at Mar 17 2023 02:49 PM

Watch more News on iWantTFC

Apektado ng pagtaas ng presyo ng bigas ang ilang karinderya sa Caloocan City. 

Ayon sa may-ari ng karinderya na si Lani Dizon, hindi na halos sila kumikita dahil bukod sa pagtaas ng presyo ng karne, tumaas na rin ang presyo ng bigas. 

Tumaas ng P2 ang kada kilo ng bigas na nabibili niya sa palengke nitong Marso. 

"Ang ginagawa na lang namin, bawas-bawas sa takal. Wala ring bibili kung magtaas ka," ani Dizon. 

Matagal nang napapansin ng may-ari ng unli rice eatery na si Ryan Ladanga ang pagtaas ng presyo ng bigas. 

"Yung pinangako po ni president, ang dami pong umaasa dun.
Ultimo ako, umaasa ako dun sa P20/kilo na rice," ani Ladanga. 

Pero kahit apektado na ang negosyo, parehas nilang ayaw magtaas ng presyo sa takot na mawalan ng kustomer. 

Matatandaan na isa sa mga ipinangako ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang pagkakaroon ng P20/kilong bigas sa pagsimula ng kaniyang termino. 

Pero lumalabas sa monitoring ng Department of Agriculture na tumaas ng P4 ang presyo ng bigas. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.