PatrolPH

Inaasahang oil price rollback sa susunod na linggo posibleng lumaki pa

ABS-CBN News

Posted at Mar 16 2022 07:38 PM

Watch more on iWantTFC

Posibleng mabawi ang sobrang laking oil price hike o magkaroon ng mas malaki pang rollback sa presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo. 

Ito ay kung magtuloy-tuloy ang pagbagsak ng presyo ng langis sa world market. 

Mula Lunes hanggang Martes, halos P13 na ang ibinagsak sa presyo ng imported diesel, lagpas P6 sa gasolina at mahigit P9 sa kerosene. 

Kung magtuloy-tuloy ito hanggang Biyernes, sigurado na ang big-time na rollback sa susunod na linggo. 

May mga lockdown na naman kasi sa China dahil sa COVID-19 outbreak kaya humina ang demand sa langis worldwide. 

Nagtutuloy-tuloy rin ang pag-uusap ng Ukraine at Russia. 

"Nakita mo talaga in the first 2 days bumaba talaga at substantial ang drop, pag nagtuloy pa 'yan makikita mo malaki ang drop," ani Energy Undersecretary Gerardo Erguiza. 

Inaprubahan dn ng komite sa Kamara ang pag-amend sa Oil Deregulation Law kung saaan lalakihan na ang imbentaryo ng langis at hihimayin ang presyuhan ng produktong petrolyo. 

Sa ngayon, kahit nabili na ng oil companies nang mas mura ang langis, naibebenta nila ito nang mas mahal dahil sa serye ng price hikes.

Pero ayon sa Department of Energy, maaaring bumaligtad ang sitwasyon. 

Giit ng oil companies, dagdag-presyo ang dulot ng paglaki ng imbentaryo dahil mangangailangan ng mas malaking imbakan o storage habang ang unbundling naman ay hindi mauuwi sa rollback. 

"Kagaya niyan, next week, baka bumaba, paano 'yan? Mag-iimbentaryo ka pa ba muna o uubusin mo mababang presyo bago tumaas, so maghihintayan? So wala nang gagawin ang industriya kundi mag- imbentaryo, parang di praktikal," ani Fernando Martinez, chairman ng Independent Philippine Petroleum Companies Association. 

Pero kahit mai-roll back pa ang itinaas ngayong linggo, nasa P17 pa rin ang naunang iminahal sa diesel at P13 sa gasolina simula Enero. 

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.