PatrolPH

Presyo ng bigas tumaas nang hanggang P4 sa Metro Manila

ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2023 05:12 PM | Updated as of Mar 15 2023 10:59 PM

Watch more News on iWantTFC

Tumaas ang presyo ng bigas sa mga pamilihan sa Metro Manila.

Simula Marso 1 o sa loob ng kalahating buwan, umakyat nang P1 hanggang P4 ang presyo ng bigas, depende sa klase.

Dahil dito, binabantayan na umano ng Department of Agriculture (DA) ang presyo ng bigas.

Dama naman ng mga magbibigas sa Quezon City ang taas-presyo.

"Linggo-linggo tumataas eh kaya nagrereklamo mga bumibili, tapos wala rin masyado dumadating na imported," anang tindero na si Ramon Saner.

Ayon sa Federation of Free Farmers, mataas na presyo ng abono noon pang isang taon ang dahilan ng mataas na presyo ng bigas.

Nasa P22 pataas ang kilo ng palay ngayon, hindi hamak na mataas kaysa noong isang taon, kaya mahal din ang presyo ng bigas, ayon kay Agriculture Assistant Secretary Rex Estoperez.

Patuloy naman ang pamamahagi ng subsidiya sa mga magsasaka ng bigas para matulungan sila sa mga gastusin.

Isda

Binabantayan din ng DA at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang presyo ng isda dahil inaasahang tataas ito habang papalapit ang Semana Santa.

Wala umanong kakulangan ngayon sa supply ng isda pero may ibang salik na maaaring magpataas ng presyo nito, tulad ng mahal na presyo ng langis.

"'Yong sa Mahal na Araw, inaasahan na tataas demand for fish pero nasa peak season naman ng fishing activity [so] we expect na kaya punan [ang] supply sa Mahal na Araw," ani BFAR chief information officer Nazario Briguera.

Pero ayon kay Briguera, posibleng madama ang kakulangan ng isda sa Mindoro at mga probinsiyang malapit dito bunsod ng oil spill.

"Inaasahan na may kakulangan ng supply malapit sa Mindoro pero 'di naman national scale," aniya.

Base rin sa outlook ng ahensiya, mas mataas ang magiging demand sa isda kasya sa kabuuang supply ngayong taon, kaya magkakaroon ng deficit pagdating ng third quarter ng 2023.

Tinutugunan naman umano ito ng BFAR sa pamamagitan ng aquaculture o pag-breed ng isda na makadadagdag ng supply nito sa bansa.

— Ulat ni Jervis Manahan, ABSC-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.