PatrolPH

Mga kainan ng unli chicken wings apektado ng import ban dahil sa bird flu

ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2021 08:08 PM

Watch more on iWantTFC

Nasa 300 piraso ng pritong manok ang nabebenta ni Jayson Asinas kada araw.

Imported frozen chicken ang kaniyang ginagamit, na bultuhan niyang binibili.

Ayon kay Asinas, humina ang kita niya dahil sa pandemya.

"Titigil muna siguro kami sa pagtinda dahil wala din naman tinutubo... Konti-konti lang ang supply, napakahirap din sa manok ang kumuha," ani Asinas.

Pero dahil kaunti ang supply, nagtaas na rin ang presyo ng tinda ni Asinas, lalo na ng chicken wings na P14 kada piraso na ngayon na dating P12.

Kamakailan, naglabas ang Department of Agriculture (DA) ng import ban ng poultry products, kagaya ng manok, mula United Kingdom.

Ito'y dahil sa H5N8 o Avian influenza na nakakahawa sa mga uri ng ibon, manok, at maging sa tao.

Ayon sa Meat Importers and Traders Association (MITA), nauubusan na ng supply ng chicken wings at legs mula Europa.

Dahil sa import ban, pinakatatamaan ang mga fast food restaurant o mga kagaya ni Asinas na nagbebenta ng "unli chicken wings."

"'Yong chicken wings very tight ang supply so 'yong ibang nag-uunli wings talagang nahihirapan sila ngayon," ani MITA President Jess Cham.

Umaaray din ang Philippine Association of Meat Processors Inc. (PAMPI) dahil sa United Kingdom, the Netherlands at Germany nanggagaling ang 55 porsiyento ng mga mechanically-deboned meat, na kailangan sa paggawa ng processed meat products tulad ng hotdog, meat loaf, luncheon meat, siomai at iba pa.

Nagkakaubusan na umano sila ng raw materials kaya baka mapilitan silang magtaas ng presyo nang 20 porsiyento hanggang 25 porsiyento.

Nakiusap naman ang PAMPI at MITA sa DA na ikonsidera ang zonal banning, base sa guidelines ng international animal health organization.

"Pinag-aaralan po natin na mayroon 'yong prinsipyo na sa isang bansa, na hindi naman lahat the whole country is affected by a certain virus or disease. Doon sa mga source or areas na regions na hindi apektado, we are looking at the possibility of giving permits basta makita po namin na walang incidents dito sa mga areas na ito," ani Agriculture Secrerary William Dar.

Nangangamba naman dito ang United Broiler Raisers Association (UBRA) na baka maulit ang nangyari sa African swine fever (ASF), na nakapasok sa bansa dahil sa kawalan ng first border control.

Kailangan umanong pag-isipang mabuti ng DA, lalo at hindi pa natatapos ang problema ng bansa sa COVID-19 at ASF.

Maaari umanong ilabas ng DA ang desisyon ngayong linggo.

-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.