DTI chief: Di kailangang mag-panic buy ng alcohol, mga pagkain

ABS-CBN News

Posted at Mar 10 2020 05:14 PM | Updated as of Mar 10 2020 07:59 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi kailangang bumili ng publiko ng bulto-bultong alcohol, face mask at mga pagkain, sabi ngayong Martes ni Trade Secretary Ramon Lopez sa harap ng tumataas na bilang ng mga kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa.

Ito ay matapos sumugod noong Lunes ng ilang Pilipino sa mga pamilihan para bumili ng mga pagkain at mga panlinis kasunod ng mga ulat na posibleng isailalim sa lockdown ang Metro Manila dahil sa dami ng mga kaso ng COVID-19 doon.

“Ang dami pang laman ng mga grocery. Hindi kailangang mag-stockpile,” sabi ni Lopez sa mga mamamahayag sa Senado.

“Huwag mag-panic at huwag ubusin iyong laman ng grocery,” dagdag niya.

Bagaman naniniwala rin si Lopez na hindi pa kailangang magpatupad ng lockdown sa Metro Manila, sinabi niyang magiging sapat pa rin ang supply ng mga bilihin sakaling mangyari iyon.

“’Pag sinabing lockdown, limited man ‘yong movement, makakalabas ka pa din kung kinakailangan... Gusto naman ng mga grocery na magbenta pa rin sila,” sabi ng kalihim.

Tiniyak din ni Lopez na walang kakulangan sa supply ng alcohol at face mask.

Hindi rin maaaring magtaas ng presyo ang mga pangunahing bilihin sa merkado bunsod ng “price freeze” matapos magdeklara ng gobyerno ng public health emergency dahil sa tumataas na bilang ng mga kaso ng COVID-19, ayon kay Trade Undersecretary Ruth Castelo.

Inabisuhan na rin umano ng Department of Trade and Industry (DTI) ang kanilang mga tauhan sa mga rehiyon na tiyaking nakapako ang presyo ng mga pangunahing bilihin.

Umabot na sa 33 tao ang naiulat na nagpositibo sa COVID-19 sa Pilipinas, base sa huling ulat ng Department of Health.-- Ulat nina Katrina Domingo at Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.