Ilan pang oil firm nag-anunsiyo ng bawas-presyo

ABS-CBN News

Posted at Mar 09 2020 12:30 PM | Updated as of Mar 09 2020 08:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ilang oil firm ang nag-anunsiyo na magpapatupad sila ng bawas sa presyo ng produktong petrolyo sa Martes, Marso 10.

Ayon sa Petro Gazz, Shell, Total at PTT Philippines, babawasan nila ng P1.20 ang presyo ng kada litro ng gasolina at P0.75 ang presyo ng kada litro ng diesel.

Tatapyasan din umano ng Shell ng P1.05 ang presyo ng kada litro ng kerosene.

Parehong mga presyo rin ang ibinawas ng Seaoil sa kanilang gasolina, diesel, at kerosene simula nitong alas-6 ng umaga ng Lunes.

Nauna nang magpatupad ng bawas-presyo noong weekend ang Cleanfuel at Phoenix Petroleum.

Bagsak kasi umano ang demand o konsumo sa langis sa buong mundo dahil sa pagkalat ng COVID-19 at hindi nagkasundo ang kartel at Russia na bawasan ang produksiyon ng langis para mapigilan ang pagbaba ng presyo.

Mula Enero hanggang Marso 10, umabot na sa P6.74 ang kabuuang ibinaba ng presyo ng diesel, P5.10 sa presyo ng gasoline, at P8.30 sa presyo ng kerosene. -- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.