PatrolPH

Price cap sa baboy, manok pinalawig hanggang Abril 8

ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2021 05:37 PM | Updated as of Mar 08 2021 07:33 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA (UPDATE) — Mananatili ang itinakdang price cap ng gobyerno sa ilang produktong baboy at manok hanggang sa Abril 8, ayon kay Agriculture Secretary William Dar nitong Lunes. 

Ginawa ang desisyon sa gitna ng batikos at pagmamakaawa ng ilang hog raisers at pork vendors na nalulugi na umano sa patuloy na price cap.

Ang price cap sa kasim at pigi ay P270/kilo habang sa liempo naman ay P300/kilo. Nasa P160/kilo naman ang price ceiling ng manok.

Ani Dar, kinailangan i-extend ang price cap para makontrol ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin lalo't patuloy ang pagbilis ng inflation rate.

"The price ceiling on pork and chicken stays as it has undeniably contributed to detaining price surge of its two main food items, benefitting consumers and benefitting every stakeholder in the industry particularly the consuming public in Metro Manila," ani Dar. 

Hanggang ngayon, madami pa rin ang hindi nakasusunod sa price ceiling, sabi ng DA.

Sa kanilang price monitoring sa mga palengke, umaabot pa rin sa P340/kilo ang kasim at P380/kilo ang liempo.

Sabi ng mga tindera, mahal na talaga ang bili nila sa mga baboy.

"Wala kaming magagawa kasi 'yan 'yung presyo namin eh, 'yan ang bigay sa amin ng mga dealer," depensa ni Rosita David, vendor.

Ayon naman sa mga trader, mas lumala pa nga ang sitwasyon dahil nagtaas ng hanggang P50/kilo ang farm gate price simula nang ipatupad ang price ceiling.

"Matutuloy ang signature campaign namin na kuwestiyunin talaga 'yang price ceiling nila kasi hindi talaga makatarungan 'yan," ani Manny Pareja ng Market Master ng Las Piñas.

Sabi naman ng mga hog raiser, magtutuloy-tuloy na mataas ang presyo ng baboy lalo pa at inaasahan nilang magkakaroon ng shortage simula ngayong Marso.

Sabi ni Pork Producers Federation of the Philippines vice president Nicanor Briones, magkakaroon aniya ng shortage sa pork supply mula Marso hanggang Disyembre dahil marami nang babuyan ang apektado ng African swine fever.

—May ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.