PatrolPH

Presyo ng petrolyo may rollback sa Marso 9

ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2021 12:13 PM | Updated as of Mar 08 2021 06:01 PM

Presyo ng petrolyo may rollback sa Marso 9 1

MAYNILA (UPDATE) — Nag-anunsiyo ang mga oil firm na magkakaroon ng bawas sa presyo ng produktong petrolyo simula Martes, Marso 9.

Kasunod ito ng apat na sunod-sunod na linggong oil price hike, kung saan umabot sa higit P4 kada litro ang iminahal ng diesel at gasolina habang lagpas P3.50 naman ang pagtaas ng presyo sa kerosene.

Ayon sa Shell, Seaoil, Petro Gazz, Cleanfuel, Caltex, PTT Philippines, Petron at Unioil, P0.10 ang bawas-presyo sa kada litro ng gasolina habang P0.35 naman ang bawas-presyo sa kada litro ng diesel.

Magpapatupad naman ang Shell, Seaoil, Caltex, at Petron ng P0.55 tapyas sa presyo ng kada litro ng kerosene.

Epektibo ang mga bagong presyo alas-6 ng umaga maliban sa Caltex na mag-a-adjust alas-12:01 ng hatinggabi at Cleanfuel na magpapatupad alas-8:01 ng umaga.

Noong nakaraang linggo, nagdaos ng protesta ang labor group na Defend Jobs Philippines para idaing ang magkakasunod na pagtaas ng presyo ng petrolyo, na anila'y magpapataas sa presyo ng bilihin at pamasahe. 

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.