Recruitment firm may alok na trabaho para sa 4Ps beneficiaries

ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2020 05:08 PM

MAYNILA — Sa tulong ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), nakapagtapos ng senior high school sina Abejames Gacusan at Janine Guibone.

Pero dahil walang pantustos sa kolehiyo, prayoridad muna ng dalawa ang trabaho.

Nakuha bilang kitchen crew si Gacusan habang cashier naman si Guibone sa pamamagitan ng Starboard Manpower Services, katuwang ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and Employment (DOLE).

Target ngayon ng DSWD at DOLE na bigyan ng trabaho ang senior high school graduates at miyembro ng mga pamilyang nagsisilbing benepisyaryo ng 4Ps.

Karamihan sa mga alok na trabaho ay mula sa services sector gaya ng merchandisers, drivers, office staff, service crew, cashier, data encoder, at accounting staff.

Isa sa bawat pamilya ng 4Ps ang matatanggap sa trabaho at makakakuha rin ng employment assistance mula sa DSWD.

“Kung may pangangailangan sila sa requirements, sa mga unang araw nila sa trabaho, puwede natin silang bigyan... pamasahe, pag-asikaso ng medical requirements, transportation,” ani Joel Cam, 4Ps regional program coordinator ng DSWD sa National Capital Region.

“Mayroon kaming online application, mayroon ding through Facebook, puwede silang pumunta doon. ‘Yong offices namin open kami sa lahat ng regions,” ani Manuel Gorobat Jr. ng Starboard.

Itutuloy umano ng DSWD ang pagsasagawa ng mga job fair para sa 4Ps beneficiaries sa iba-ibang rehiyon.

Kung miyembro ng 4Ps at gustong mag-apply pero wala pang impormasyon sa job fair, maaari muna raw makipag-ugnayan sa area coordinators para malaman kung paano makapag-apply ng trabaho sa Starboard.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.